Vice kasangga sa kabayanihan ng breadwinner; SB19, BINI hugot na hugot

Vice kasangga sa kabayanihan ng breadwinner; SB19, BINI hugot na hugot

Vice Ganda, SB19 at BINI

HANGGANG ngayon ay pinag-uusapan pa rin ang pagsabak ni Vice Ganda sa heavy drama sa pamamagitan ng kanyang Metro Manila Film Festival 2024 entry na “And The Breadwinner Is…”.

Hindi lang ang madlang pipol ang pumuri sa ipinakitang performance ni Vice sa naturang pelikula kundi pati na rin ang mga kasamahan niya sa entertainment industry.

Unang-una na nga riyan ang nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano na na-impress din sa pagdadrama ng TV host-comedian.

“Ang galing ng anak ko. Ang galing-galing mo, anak. Congratulations!” ang mensahe ni Maricel kay Vice sa panayan ng ABS-CBN.

Para naman sa BFF ni Vice na si Angeline Quinto na hindi napigilang maiyak sa ilang eksena sa movie, “Lahat sila may kanya-kanyang bigat na dinadala d’un sa movie, kaya ako naapektuhan.”

Baka Bet Mo: Regine sa mga breadwinner: Natatapos yun, you need to have your own life

Komento naman ng anak-anakan ni Vice at co-host sa “It’s Showtime” na si Ryan Bang, “Parang hindi pelikula. Parang totoong istorya ng isang pamilya.”


Napanood din ng mga miyembro ng SB19 ang movie (ang kanta nilang Mapa ang official soundtrack ng Breadwinner) at hindi rin daw nila napigilan ang maging emotional sa sinehan.

“Napakatraydor po ng movie na ‘to. Sa umpisa papasayahin ka eh…” sey ni SB19 Stell na sinundan naman ni SB19 Justin ng, “Tapos biglang magpipigil ka ng luha.”

Kahit ang mga miyembro ng BINI ay relate much sa movie. Sabi ni BINI Jhoanna, “Ako, lahat po ng scenes with parents po, du’n talaga ako parang bumubuhos.

“Lalo na sa Papa n’ya, kasi parang ‘yung Papa n’ya ‘yung pinakaunang naniwala, nagtiwala sa kanya,” dugtong ng dalaga.

Sey naman ni BINI Mikha, “Naiyak po ako sa scene with the mom po kasi…soft lang din ako pagdating ng parents.”

Komento ni BINI Aiah, “Na-realize ko na… ako kasi may kapatid din ako, so sobrang grateful ako na kaming dalawa nagtutulungan kami. Eh, hindi lahat may ganu’ng privilege so ‘yun, nakakalungkot siya, but at the same time, may gratefulness.”

Samantala, nagpahayag naman ng buong suporta si Vice Ganda sa Angkasangga Partylist at sa adbokasiya nito na itaguyod ang kapakanan ng mga breadwinner, lalo na sa informal sector.

Sa isang rally na dinaluhan ng 4,000 katao sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila, pinuri ni Vice ang First Nominee ng Angkasangga, si Angkas CEO George Royeca, sa kanyang dedikasyon sa pagprotekta sa mga manggagawa ng bansa.

“Sa dami ng pinagdaanan ninyo sa pagsuporta sa pamilya niyo, kailangan niyo ng kasangga na poproteksyunan at susuportahan kayo,” pahayag ni Vice.

Muli namang pinagtibay ni Royeca ang kanyang pangako na iangat ang buhay ng mga breadwinner ng Maynila sa kanyang pagtakbo sa Kongreso sa pamamagitan ng karagdagang benepisyo mula sa gobyerno.

“Kahit hindi pormal na empleyado, basta breadwinner, dapat may benepisyo mula sa gobyerno. ‘Yan ang sisiguraduhin nating maisabatas,” ani Royeca.

Bukod sa kapakanan ng mga breadwinner, nais din ng Angkasangga na tugunan ang mahahalagang isyu tulad ng pampublikong transportasyon, paglikha ng trabaho, at proteksyon ng mga manggagawa.

Kamakailan, inimbitahan ni Vice si dating Pangalawang Pangulong Leni Robredo sa isang special screening ng kanyang MMFF entry sa Gateway Mall sa Quezon City.

Matapos ang pelikula, inihalintulad ni Vice Ganda ang kanyang karakter kay Robredo, na inilarawan ang dating Bise Presidente bilang isang hindi napapahalagahang “breadwinner.”

“Si Madam Leni, minsan din siyang naging breadwinner nating lahat. Ikaw yung breadwinner. Ang tingin ko sayo, ikaw din si Bambi,” sabi ni Vice patungkol sa kanyang karakter sa pelikula.

Read more...