SINO nga kaya ang nagsasabi ng totoo kina Vic Sotto at Darryl Yap patungkol sa pagsasapelikula ng buhay ng yumaong sexy star noong dekada 80 na si Pepsi Paloma?
Base sa panayam ng media kay Bossing Vic matapos magsampa ng 19 counts of cyberlibel laban kay Direk Darryl, walang kumonsulta o nakipag-usap sa kanya hinggil sa pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma”.
“Wala. Walang kumonsulta, walang nagpaalam, walang consent,” ang mariing sabi ng veteran TV host-actor.
Ngunit kabaligtaran naman ito ng naging pahayag ng legal counsel ni Darryl na si Atty. Raymond Fortun. Aniya, pinadalhan daw ng kanyang kliyente si Vic Sotto ng kopya ng script ng “The Rapists of Pepsi Paloma” bago pa ilabas ang teaser video ng pelikula.
Dito nga diretsahang binanggit ang pangalan ni Bossing tungkol sa pangre-rape umano noon kay Pepsi.
Baka Bet Mo: Darryl Yap sa mga epal: Ginawa ko ang Pepsi Paloma para talaga sa inyo!
“The purpose was really for them to give comments du’n sa script, so wala naman po.
“Ilang beses po na nag-follow-up si Direk Darryl na tungkol du’n until finally na shoot na lahat ng mga scenes, so hindi na namin kasalanan ‘yun,” ang sabi ni Fortun sa panayam ng “24 Oras”.
Samantala, nakatakdang dinggin ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 sa January 15 ang inihaing writ of habeas data ni Bossing Vic na humihiling sa korte na ipatanggal at ipatigil ang lahat ng promotional materials ng “The Rapists of Pepsi Paloma” na nag-uugnay sa kanya sa pelikula.
Nauna rito, hiniling sa korte ni Darryl Yap na isyuhan ng gag order para pigilan ang kampo ni Vic Sotto na magsalita tungkol sa 19 counts of cyberlibel na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Fortun, naghain na sila sa Muntinlupa City RTC, Branch 205 ng petisyon para isyuhan ng gag order si Bossing Vic hinggil sa kanilang kaso.
Sabi ng abogado, magbibigay ang kanyang kliyente ng “verified return” tungkol sa kanyang pelikula na hindi pa naipalalabas, kaya naman hinihiling nila na pagbawalan ang kampo ni Vic “from disclosing the contents of the verified return to the public”.
“Further considering that the verified return shall involve an unreleased film by a prominent director, any disclosure of the verified return would not only violate the Respondent’s freedom of expression, but it shall also cause grave and irreparable damage to the Respondent’s artistic license and outcome of the film,” ang nakasaad sa kanilang mosyon.