ANG anak na si Talitha Maria Luna Sotto o Tali ang isa sa dahilan kung bakit nagsampa ng 19 counts of cyber libel ang TV host-actor na si Vic Sotto kahapon ng umaga, January 9, sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 laban sa direktor na si Darryl Yap.
Ito ang ipinagtapat ng legal counsel ni bossing Vic na si Atty. Buko Dela Cruz sa panayam niya kina Nanay Cristy Fermin at Romel Chika sa programang “Cristy Ferminute” sa True FM 105.9 sa Mega Manila kahapon ng tanghali.
“’Yung bata (Tali) binu-bully sa eskwelahan,” bahagi ng kwento ng abogado.
Kung si bossing Vic lang ang masusunod ay ayaw na niyang patulan ang isyung ito dahil sanay na siya.
Tinanong ni ‘Nay Cristy kay Atty. Buko kung ano ang mga sinabi ng TV host-actor sa kanya nang magkaharap sila.
Baka Bet Mo: Marissa Sanchez sa puksaang Vic-Darryl: Nasasaktan ako for the kids
“Ang sabi po niya ay sanay na siya sa mga ganitong pakulo. Mga pakulo ito sa paglalayon na magbenta ang pelikula o programa (ay) normal ito.
“Kaya lang ang sabi niya (Vic) ang hindi niya matatanggap at kailangan na niyang palagan at umaksyon ay ‘yung kanyang asawa o pamilya ay nadadamay na.
“May mga threats na natatanggap ‘yung pamilya, lalung-lalo na sina Ms. Pauleen (Luna-Sotto) kung makikita ninyo ang nga comments na may mga threat na ire-rape,” sey ni Atty. Dela Cruz.
“Yes, may mga rape threats, may threat na kikidnapin ang anak at ‘yung bata binu-bully sa eskuwelahan. Ito ‘yung mga bagay na hindi matanggap ni bossing Vic na bakit pati ang pamilya ay nadadamay sa isang iresponsableng paghahayag ng mga bagay na wala naming katotohananm” pahayag ng abogado ni bossing Vic.
Tinanong naman ni Romel Chika na baka raw sa kabuuan ng pelikula ay hindi naman ganu’n ang kahihinatnan.
“Iyon ang kanyang palusot, whitewashing daw sa dulo. Ipapakita raw sa pelikula na hindi totoong nagkaroon ng ganu’n case at hindi raw kasama ang Tito, Vic and Joey. Ano po ang masasabi ninyo, attorney?” tanong ni ‘Nay Cristy.
“Hindi naman talaga. Wala naman talagang rape, gawa-gawa lang naman talaga ‘yung alegasyon na rape. Pero ang kaso kasi ay isinampa hindi dahil sa pelikula.
“Ang kaso ay isinampa dahil sa teaser video na inilabas nga. Ngayon ‘yung intension ng maylikha ay hindi mahalaga sa kasong cyberlibel.
“Kahit ang layunin mo ay maganda, kung may pangako o balak mong kumambyo sa pelikula ay hindi na ‘yun pinag-uusapan.
“Ang pinag-uusapan ngayon ay naglabas ka ba ng teaser video na mapanira sa isang tao, ito ba ay ipinost mo publicly at dahil dito ay napinsala mo ba ang reputasyon ng isang tao? Ang sagot po rito ay oo, eh. So, anuman ang iyong good intentions ay hindi ito depensa,” paliwanag ng legal counsel ni Vic.
“Oo malisyoso napakalinaw, binanggit ang pangalan (Vic Sotto),” saad ni ‘Nay Cristy.
Dadaan ba ito sa speedy trial, tanong ng CFM host sa abogado.
“Opo Nanay Cristy. Unang-una ay bibigyan po siya (Direk Darryl) ng pagkakataong sumagot do’n sa kasong criminal.
“Do’n sa civil case po lumabas na ‘yung order today (Enero 9). Inisyu na po ng korte ang writ of habeas data, so, kinatigan po ng korte ‘yung aming finile na petition, binibigyan na lang siya (Direk Darryl) ng limang araw para magpaliwanag.
“At in the meantime ay pinagbabawalan na ang lahat ng mga postings and sharings, pagkakalat ng anumang bagay na makakasira sa privacy rights ng aming kliyente.
“Sa criminal case naman ay kaka-file pa lang today bibigyan siya ng pagkakataong sumagot at pagkatapos po niyang sumagot ay magde-desisyon na ang Fiscal kung may probable cause o basehan na dadalhin ng fiscal sa hukuman.
“Pag ang kaso po ay nasa hukuman, ang hukuman na po ang magde-desisyon ng warrant of arrest,” esplikang mabuti ni Atty. Buko.
Tinanong pa ni ‘Nay Cristy kung mababawasan ang 19 counts of cyber libel laban kay direk Darryl o mananatili ito.
“Palagay ko po ay matibay ‘yung 19 kasi siya mismo ang umaamin na kanya ‘yung post at pinapanindigan niya na tama ang kanyang ginagawa. Ito ho ang magandang pagkakataon para makita niya kung ano ang paraan o proseso ng hustisya sa Pilipinas.
“Sabi nga po natin ay may karapatan at kalayaan ang bawat isa pero hindi po tayo malayang mag libel o manira ng ibang tao,” diin ng abogado.
Naaliw kami kay Atty. Buko dahil idaan na lang daw sa blind item, “O may mga pamamaraan para maitago upang iwasan mong makasakit o mapanira ng iba at magagawa mo naman ‘yun.”
Natatawa naman sina ‘Nay Cristy at Romel Chika sa sinabing ito ng abogado ni bossing Vic.
“Attorney, we love you talaga for the blind item ha, ha, ha,” tumatawang sabi ni ‘Nay Cristy.
Sey naman ni Romel Chika na tumatawa rin, “Pasok tayo ‘Nay sa blind item.”
Maging si Atty. Buko ay natawa rin sa sinabi ng dalawang host.
Anyway, may mga impormasyon na raw hawak sina Atty. Dela Cruz kung sino ang mga taong nasa likod ni Direk Darryl, pero minabuti nilang hindi muna pangalanan.
“Bigyan ng pagkakataong sumikat pa. Ang nais po naming kasuhan ay ang direktor, may likha at kung sinumang tao acting for on his behalf.
“So, sinumang tao ang magkakalat o magpo-post o magko-cause ng publication nito ay kasama po doon sa aming kinakasuhan. Ang layunin po muna ay matigil ‘yung pagkalat (teaser video) at tsaka naming pananagutin kung sino ang nasa likod ng ganitong paninira kay bossing Vic,” wika ni Atty. Buko.
As of this writing ay hindi pa rin tinatanggal ni Direk Darry ang posting niyang teaser video na binanggit ni Direk Gina Alajar ang pangalan ni bossing Vic.