NAKAUWI na ng Pilipinas si Rufa Mae Quinto para harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y kinasasangkutan niyang investment scam.
Kusang sumuko ang komedyana sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya ring sumundo sa kanya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Dumating si Rufa Mae sa bansa kahapon ng umaga mula sa San Francisco, California via Philipine Airlines. Inabisuhan ng kanyang abogado ang NBI hinggip sa kanyang pagsuko.
Nanindigan naman si Rufa Mae na wala siyang kasalanan at handa siyang harapin sa korte ang asuntong 14 counts ng paglabag umano sa Section 8 of Securities Regulation Code.
Baka Bet Mo: Rufa Mae hirap na hirap pa ring makipag-usap sa English pag nasa US; inalala ang pagbili sa kanya ni Heart ng sapatos
“Biktima din po tayo kaya lahat haharapin. Go, go, go, basta hinaharap. Tsaka hindi maganda kasi reputasyon na yung sinisira kaya humaharap ako para i-clear ko yung name ko, di ba?” ang pahayag ng aktres sa panayam ng GMA 7.
Sa tanong kung balak ba niyang magsampa ng countercharge laban sa mga taong nagdemanda sa kanya, “Pag-iisipan namin kung may isip pa ako (sabay tawa).”
Pero seryosong sabi ni Rufa Mae, “Hindi, tapusin muna to, isa-isa lang. Kasi kadarating ko lang from the airport, from the U.S., so one by one, step by step.”
Nagbigay din ng mensahe ang komedyana sa mga nagsampa ng kaso laban sa kanya, “Alam mo, sa totoo lang, ang hanapin nila ang may ari (ng beauty clinic na inendorso niya), yun yung talagang may-ari.
“Tsaka wala naman akong kinalaman sa kanila. Di ko naman sila na-meet or nakilala. In fact, ako, di rin naman ako nabayaran.
“Nag-bounce lahat ng tseke. At three months lang po ako na parang nung pumirma ako, ta’s first down, talbog. Second down, talbog. So, puro bounching (checks), tapos sabi sorry. Kinancel din nila ako as endorser,” aniya pa.
Sey pa niya sa mga nagdemanda sa kanya, “Sana sa mga biktima, una, ang hanapin niyo yung may-ari kung sino yung kausap nila, di ba?
“Pangalawa, sana i-hinighlight din sino ba yung kawatan dito? Di porke’t artista, ikaw na yung laging nasa news, di ba?
“Ibig sabihin, kailangang malinaw na di lang po ako, yung mismong may-ari ang dapat habulin,” mensahe pa ni Rufa Mae.
Balitang nagpiyansa na rin ang aktres sa halagang P1.7 million para sa pansamantala niyang kalayaan.