KILIG overload ang hatid nina Coco Martin at Julia Montes ngayong holiday season!
Ito ay matapos mag-trending sa social media ang bahagi ng kanilang exclusive interview na ibinandera noong December 24 sa YouTube page ng CCM Film Productions, ang film company na pagmamay-ari ni Coco.
Unang nagsalita sa video si Julia na tila very thankful kay Coco dahil isa ito sa mga gumagabay sa kanya.
“Ang dami kong natutunan sa buhay, well-guided ako,” bungad niya sa interview.
Chika niya, “Hindi na ako nahihirapan harapin lahat ng magiging struggles or parang humps sa buhay kasi nga meron nang nagga-guide sakin.”
Baka Bet Mo: Melai Cantiveros bentang-benta ang mga banat sa IG stories, sigaw ng netizens: ‘Bigyan ng sariling show yarn!’
“Kasi ang dami na niyang pinagdaanan. Parang na-i-impart na niya ‘yung learnings niya na ‘wag ko na pagdaanan,” paliwanag niya.
Pag-amin ng aktres, “So ang sarap ng ganun.”
Paglalarawan naman ni Coco, maganda ang dynamics nila ni Julia dahil madalas sila ay “give and take” sa lahat ng aspeto sa kanilang relasyon.
“Ako ‘yung naging tatay, kuya, kaibigan, bestfriend niya. Ang kinaganda kasi kay Juls sa pinagsamahan namin, nakikinig siya sakin. And then ako rin naman sa kanya pag siya nag-a-advice sa akin kung ano ang nakikita niya,” kwento ng aktor.
Sambit pa ni Coco, “‘Yung kinaganda sa aming dalawa, walang kompetisyon. Talagang kung ano ‘yung matutulong namin sa isa’t-isa, ano ang ma-advice namin.”
Inamin din ng aktor na very happy siya dahil mayroon siyang “partner” na kakampi niya sa lahat.
“Sa buhay, kailangan ang hinahanap mo ay partner sa lahat ng ginagawa, which is doon ako masaya at kung meron akong pupuntahan na hindi ako maligaya kapag hindi kami magkasama, para bang may nami-miss ako na gawin na sana kasama ko si Julia, sana kung nandito ako, sana magkasama kami, sana nakikita niya rin ‘to which is hindi madali,” wika ni Coco.
Dagdag niya, “Pero ngayon sabi ko nga, dahan-dahan nagagawa na namin ‘yun kapag nag-out of the country kami or minsan nag-out of town.”
“Masaya kasi ‘yung mga pangarap namin sa buhay dahan-dahan, paunti-unti nakamit namin na magkasama kami nagtutulungan,” lahad pa niya.
Aniya pa, “Masaya ako kasi iba ‘yung pakiramdam na meron kang partner na alam mo na sinusuportahan at inaalagaan ka.”
Recently, nag-viral sa socmed ang latest video ni Coco kung saan tinawag niyang “nanay” si Julia sa grand premiere ng “Topakk,” ang isa sa official entry ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.
Kung matatandaan noong Hulyo, tila nagkaroon ng rebelasyon ang TV host na si Willie Revillame matapos banggitin sa pre-debut event ng “Wil to Win” na may anak sina Coco at Julia.