KUNG mabibigyan ng pagkakataon, gusto rin ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang makapagdirek ng isang teleserye o pelikula.
Isa si Dennis sa mga pinakamahusay at premyadong aktor sa entertainment industry at ilang beses na niyang napatunayan yan sa dami na ng nagawa niyang acting projects.
Sa guesting niya sa nakaraang episode ng “Fast Talk With Boy Abunda,” natanong ang husband ni Jennylyn Mercado kung bukas ba siya sa posibilidad na makapagdirek din in the future.
“’Yung pagiging direktor kasi, hindi lang siya basta maisip mo lang, gagawin mo na. Ako, madalas akong nag-o-observe sa tapings, sa shooting.
Baka Bet Mo: Jaclyn Jose nakitaan ng ‘green bone’ matapos ma-cremate, ano’ng meaning?
“Marami na rin po akong na-consult na director, nagpapaturo sa kanila, nagpapa-recommend ng mga librong babasahin and siguro walang ibang nakakaintindi ng trabaho ng direktor kundi mga artista din dahil ‘yon ang nakikita nila palagi,” lahad ng lead star ng Metro Manila Film Festival 2024 entry na “Green Bones.”
“Sana po. Sana,” ang pahabol ni Dennis sa tanong ni Tito Boy tungkol sa plano niyang pagdidirek.
Samantala, natanong din ang Kapuso superstar kung naniniwala siya sa konsepto ng “green bones” tulad ng kuwento ng kanyang MMFF entry kasama si Ruru Madrid.
Ito yung kapaniwalaan ng mga Pinoy na kapag ang taong namatay na na-cremate at may natagpuang green bones sa kanyang labi, ang ibig sabihin ay naging mabuti siya noong nabubuhay pa.
Tugon ni Dennis, “Naniniwala ako sa green bones. Pero siguro mas maganda din na, totoo man o hindi, magsisilbi siyang reminder na palagi kang magpapakabuti, na piliin mong maging mabuting tao,” dagdag na pahayag ng aktor.
Mula sa direksyon ni Zig Dulay na siya ring nasa likod ng award-winning MMFF 2023 entry na “Firefly”, showing na ang “Green Bones” ngayong araw, December 25, sa lahat ng sinehan sa buong Pilipinas.
Ito’y mula sa original story ni JC Rubio, senior documentary manager ng GMA Public Affairs, at isinulat nina National Artist Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza.
Ka-join din sa movie sina Michael De Mesa, Ronnie Lazaro, Kylie Padilla, Iza Calzado, Sofia Pablo, Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, Pauline Mendoza at marami pang iba.