NILINAW ni Vic Sotto na wala siyang galit o nagtatampo sa GMA Network at ang tanging may isyu siya ay sa TAPE Incorporated.
Ayon sa kanya, ito ay dahil sa pagmungkahi ng management kaugnay sa rebranding at restructuring ng “Eat Bulaga!” na kasama pa sa plano ay palitan ang batikang host na sina Tito Sotto, Vic, at Joey de Leon (TVJ).
“It was more of TVJ and TAPE Incorporated. We were happy with GMA until now, wala naman kaming masamang tinapay with GMA people. We are still friends,” sey ni Vic.
“Ang naging problema lang namin is with TAPE,” dagdag pa niya sa kanyang panayam kay Toni Gonzaga.
Ibinahagi rin ng TV host ang kanyang kalungkutan nang ipaalam sa kanila ng management na aalisin sila bilang mga host dahil sa kanilang edad.
Baka Bet Mo: #MayForever…Alden muling ibinandera ang loyalty sa TVJ: ‘My support for them will go until the end of times’
Ito ay kahit sila pa ang naging susi sa tagumpay ng show na naging tahanan ng marami sa loob ng halos limang dekada.
“I mean, just imagine 44 years of doing it, making money for them, and enriching them. Tapos all of a sudden, dahil nagkakaedad na daw kami, aalisin na daw kami,” sambit ni Vic.
Dagdag pa niya, “Eat Bulaga ‘yan, kami ‘yun. Si Joey nagimbento ‘nung title tapos we really worked hard for it.”
“Like ‘yung pinagkukwentuhan natin kanina hindi kami sumesweldo, tinanggap namin lahat ‘yun kasi enjoy kami sa show,” chika niya.
“We’re like one big family here, tapos bigla-bigla na lang, the boss, we were called for a general meeting, announcing that Tito, Vic, and Joey, thank you; nice working with you. Sakit. Sakit non,” ani pa ni Vic na naging emosyonal at umiiyak habang inaalala ang mga pangyayari.
Sinabi rin ng TV host na sinubukan ng TAPE na bawiin ang kanilang desisyon, ngunit nagsimula na silang makipag-usap sa ibang network, partikular sa TV5.
Inamin din ni Vic na ito na ang pinaka-emotional na sandali para sa kanilang trio.
“Oo totoo ‘yun [pinaka-emotional moment ng TVJ sa TV]. Nung pumutok ‘yun, nagalit ‘yung mga netizen, na-bash sila mula ulo hanggang paa so medyo bumaliktad sila. Pero nandoon na ‘yung sugat, na hindi basta basta maghihilom. So we started talking to other networks,” pahayag ni Vic.
Matatandaan noong May last year, inanunsyo ng TVJ ang kanilang pag-alis sa TAPE Inc. na nagdulot ng mass resignation ng iba pang mga pangunahing host at production staff.
Pagkatapos nilang umalis, ipinagpatuloy ng TAPE Inc. ang kanilang bagong bersyon ng “Eat Bulaga!” na may bago ring set ng hosts.
Nagkaroon ng legal na labanan ang TVJ, TAPE, at GMA Network ukol sa pangalan at mga trademark ng “Eat Bulaga!”
Nanalo ang TVJ sa laban sa TAPE, kaya’t nagpatuloy ang kanilang legasiya sa show sa kanilang pangangalaga.