ERC, sapul kay TOL sa power rate reset ng Meralco

ERC, sapul kay TOL sa power rate reset ng Meralco

Senador Francis ‘TOL’ Tolentino

NABABAHALA si Senador Francis ‘TOL’ Tolentino sa mabagal na pag aksyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa proseso ng power rate resets, partikular sa kaso ng Manila Electric Co. (Meralco).

Ayon kay TOL, halos sampung taon nang walang aksyon hinggil sa Meralco ang ERC.

Ito’y matapos payagan ng ahensya ang kumpanya na bawiin ang rate reset application nito noong October 30, gayong ang huling rate reset nito ay napaso noon pang taong 2015.

“Nakakabahala ang kawalan ng aksyon sa rate reset ng Meralco sa ilalim ng nagdaan at kasalukuyang pamunuan ng ERC. Dapat ito ay nagawa pa noong 2015, pero hinayaan nilang tumagal, tinulugan lamang nila, kaya hindi na akma ang singilan nila sa ating kuryente,” sey ni TOL.

Baka Bet Mo: TOL: Loan condonation, mga titulo ng lupa pinakamagandang Pamasko sa mga magsasaka mula kay PBBM

Idiniin ni TOL na tungkulin ng ERC na pangalagaan ang interes ng mga konsyumer at kasama rito ang pagtitiyak ng napapanahong rate review, na hindi nito nagawa dahil diumano sa kakulangan ng patakaran ng ahensya sa pagtatakda ng distribution wheeling rates.

“Dapat binabantayan ng ERC ang kapakanan ng mga konsyumer, lalo na mula sa pang-aabuso ng mga nasa industriya ng kuryente,” aniya.

“Bawat piso ng ating kababayan ay mula sa dugo’t pawis nilang pagtatrabaho para lamang may maipantawid sa araw-araw. Sana naman gawin ng ERC ang kanilang tungkulin para masiguradong tama at naaayon ang singilan sa kuryente,” dagdag nya.

Samantala, kimalampag din ni Tolentino ang ERC sa isyu ng Meralco refund.

Kamakailan lang ay ipinag-utos ng ahensya na magrefund ang Meralco ng P987.16 milyon sa mga kostumer nito bunga ng maling pagpataw ng singil ayon sa regulatory rate resets.

Labing-anim na iba pang distribution utilities ang naatasan ding mag-refund ng P189.98 milyon.

Kasama ang Meralco, aabot sa P1.1777 bilyon ang dapat irefund sa mga konsyumer.

Kinulekta ang mga bayaring ito dahil sa kawalan ng rate resets.

Read more...