Judy Ann choosy na sa pagtanggap ng projects: Hindi na ‘to pera-pera lang
AMINADO ang Queen of Soap Opera na si Judy Ann Santos-Agoncillo na mas naging choosy na siya ngayon pagdating sa pagtanggap ng mga acting project.
Bukod sa kanyang asawang si Ryan Agoncillo, kasama na sa pagdedesisyon niya sa tatanggaping teleserye o pelikula ang kanyang mga anak.
Sa grand mediacon ng bagong movie ni Juday, ang “Espantaho” na isa sa 10 official entry sa Metro Manila Film Festival 2024, gusto niyang makagawa pa ng mga pelikulang ikaka-proud niya at ng mga anak nila ni Ryan.
“Noong bagets ako, alam n’yo ‘yan (showbiz press), lumalagari ako ng limang projects. Sabay-sabay. Hanggang sa hindi ko na alam kung sino na ba ako sa pinapasok ko ngayong araw na ‘to.
“Kailangan kong tanungin kung sino ang kasama ko, sino ang leading man ko, sino ang direktor ko, ano ba ‘to, action o drama?” saad ni Judy Ann.
“Na-realize ko na hindi siya healthy sa craft na tatanggap ka lang nang tatanggap ng hindi mo pinupulido kung ano ‘yong tinatrabaho mo. Unfair, hindi na ito pera-pera lang!” mariing punto ng award-winning actress.
View this post on Instagram
Aniya pa,“Nandoon na ako ngayon sa gawa tayo ng mga proyekto kasi gusto ko ito mapanood ng mga anak namin. Gusto ko, proud sila sa nanay nila. Gusto ko, proud din ako sa trabaho ko at sa craft ko.”
Pak na pak daw ang “Espantaho” sa kanyang mga anak dahil talagang mahilig daw ang mga ito sa horror movies.
“Malaking factor talaga ang mga anak namin dito sa pagtanggap ko sa ‘Espantaho,’ hangga’t may lakas pa ‘yung nanay nilang manakot,” natatawang sey ni Juday.
Ang “Espantaho” ay mula sa direksyon ni Chito Roño at showing na sa December 25, bilang bahagi ng Metro Manila Film Festival 2024 under Quantum Films Inc., Purple Bunny at Cineko Prodcutions.
Kasama rin sa movie sina Lorna Tolentino, Janice de Belen, Mon Confiado, JC Santos Nico Antonio, Donna Cariaga, Kian Co, Tommy Abuel, Archie Adamos at Eugene Domingo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.