MAY inispluk ang “The Voice” grand champion na si Sofronio Vasquez tungkol sa kanyang coach na si Michael Bublé.
Nakausap kasi siya kamakailan lang ng ilang mainstay hosts ng “It’s Showtime” sa pamamagitan ng video call upang kamustahin siya matapos gumawa ng kasaysayan bilang first-ever Pinoy at Asian winner ng nasabing international singing competition sa United Stated.
Isa sa inusisa sa kanya ng batikang singer at TV host na si Ogie Alcasid ay ‘yung journey niya sa patimpalak.
Kwento ng singer, “Nagsimula po ako sa blind audition trying just to present myself, and of course, sinubukan ko pong i-represent ang Utica, New York pero mapalad po ako dahil ‘yung producers mismo ng show, sila ‘yung nag-suggest na mas maganda siguro kung ire-represent mo ‘yung Philippines dahil hindi pa nagkaroon ng Filipino-blooded and full born and raised.”
Baka Bet Mo: Sofronio Vasquez: Ang ‘It’s Showtime’ ang unang naniwala sa akin!
“So tinuloy ko po ‘yun and dahan-dahan po naming pinaghirapan,” patuloy niya.
Kasunod niyan, nabanggit ni Sofronio si Michael na bukod sa umalalay sa kanya ay nagpakita ng pagmamahal sa Pilipinas.
At diyan na rin niya ibinunyag ang ilan sa malapit sa puso ng coach, pati na rin ang tila pa-blind item ng naka-date niyang Pinay.
“Masaya po ako na along the way ay talagang sincere and totoong pagmamahal ‘yung galing kay Michael Bublé para sa Pilipinas,” bungad niya.
“Shinare po niya na may deep connection siya dito sa Pilipinas dahil kumpare raw po niya si Martin Nievera at may naka-date daw po siyang kilala ng lahat na dyosa sa atin,” chika niya at biglang natawa.
Nagulat naman sina Ogie, Kim Chiu, Vhong Navarro, at ilan pang hosts ng programa.
Reaksyon ni Vice Ganda, “May pa-blind item!”
Hirit naman ni Ogie na tila iniba na ang usapan, “Pero dahil sa’yo ‘yun, dahil bilib na bilib siya sayo.”
Sino kaya ‘yung nabanggit ni Sofronio na “dyosang” Pinay? May mga nabasa kami na ang hula ay si Anne Curtis o si Kristine Hermosa.
Anyway, hindi pa alam ng grand champion kung kailang siya makakauwi ng ating bansa, pero nangako raw siya kay Michael na ang una niyang bibisitahin ay ang “It’s Showtime.”
Matatandaang lumaban si Sofronio sa “Tawag ng Tanghalan” noong 2019 kung saan umabot siya sa semifinals at naging third placer.
Samantala, nitong Setyembre lamang nang sumabak sa blind audition ng “The Voice USA” ang Pinoy singer kung saan apat na coach ang umikot during his performance –sina Snoop Dogg, Michael Bublé, Reba McEntire at Gwen Stefani.