PALAKPAKAN ang mga um-attend sa grand mediacon ng Metro Manila Film Festival 2024 entry “Isang Himala” matapos magpatotoo si Aicelle Santos na may himala!
Si Aicelle ang lead star ng “Isang Himala” kung saan gagampanan niya ang karakter ni Elsa na unang ginampanan ni Superstar Nora Aunor sa original movie version ng “Himala.”
Para kay Aicelle, bukod sa pagkakapili sa kanya na bumida sa musical version ng “Himala”, may iba pang milagrong nangyari sa buhay niya — ito ang paggaling ng dalawa sa kanyang mga kapamilya.
Ibinahagi ng Kapuso star sa naganap na mediacon ng “Isang Himala” ang tungkol dito, “Ang himala po sa buhay ko na lagi kong ikinukuwento sa mga kakilala o hindi ay mirakulo ng pagpapagaling ng Panginoon sa aking pamilya.
Baka Bet Mo: Ate Guy nanaginip bago gawin ang ‘Himala’: Nakaluhod ako sa altar, tapos pagtingin ko kay Mama Mary ngumiti siya…
“Meron akong kapatid, 21 years old, isa na siyang cancer survivor. Siya po ay pinagaling ni Lord from Stage 2 lymphoma.
“Pero towards the six months ng chemotherapy, inatake naman sa puso yung 19-year-old brother ko. Ito po yung case ng myocarditis. Yung myocarditis, ito yung pinatitigil ng muscles ng heart mo na mag-pump.
“So, kung ang heartbeats natin per minute is 80 to 100, sa kanya naging 20 beats per minute. Ang sabi sa akin ng doktor, nanganganib na talaga siya. Ako noon, dinala ko siya sa ospital, kasama ng nanay ko, nakapaa lang,” emosyonal na lahad ni Aicelle.
Patuloy pa niya, “E, nakita ko ang nanay ko, namumutla. E, high blood din ang nanay ko. Sabi ko, ‘Ma, diyan ka, kukuha ako ng gamot mo, kukuha ako ng tsinelas mo.”
Pagbalik daw niya sa ospital, umiiyak na ang kanyang nanay, “Pagbalik ko sa emergency room, naiyak na ang mommy, sabi ko, ‘Bakit?’ ‘Pinapirma na ako ng waiver.’
“Sabi ko, hindi. Talagang noong panahon na yun, yung confidence ko kay Lord, yun lang talaga ang kinapitan ko. Sabi ko, ‘Ma, ‘Mabubuhay si Aaron.’
“Aktibong Kristiyano ako and out loud. I prayed over him, sa puso niya. ‘In the mighty name of Jesus, you are healed. In the mighty name of Jesus, ang kagalingan ng Panginoon, mula ulo hanggang paa, dumadaloy ang dugo ng Panginoon sa ‘yo. Amen!’
“Right there and then, I witnessed a miracle, dumilat po ang kanyang mata. And then, ang mommy, tumigil sa pag-iyak,” pagbabahagi pa ni Aicelle.
Pagkatapos ngang ikuwento ng Kapuso star ang mga nangyari, pinalakpakan siya ng mga members ng entertainment media at iba pang guests sa presscon ng “Isang Himala”.
Showing na ang “Isang Himala” sa mga sinehan nationwide simula sa December 25, bilang bahagi ng 50th edition ng MMFF.