ALL-OUT ang support ng Teleserye King na si Coco Martin sa pinakabagong pelikula ng kanyang partner na si Julia Montes, ang “Topakk” na pinagbibidahan ni Arjo Atayde.
Kahit na alam niyang delikado at buwis-buhay ang mga gagawing stunts at action scenes ni Julia sa movie, aprub na aprub pa rin ito kay Coco.
Kuwento ng Kapamilya actress, mismong si Coco pa nga ang nagsabi sa kanya na huwag niyang palampasin ang naturang proyekto dahil nga sa napakaganda ng materyal bukod pa sa bilib na bilib din siya kay Arjo bilang aktor.
Baka Bet Mo: Julia Montes napako, nagkasugat-sugat sa ‘Topakk’ pero walang reklamo
“Proud siya (Coco). Kasi siya rin naman ‘yung unang nagturo sa akin kung paano hindi naman gumalaw, kung paano ‘yung safety. Proud siya, hindi naman mawawala ‘yun. ‘Yung mga safety tips, nagamit naman namin,” pahayag ni Julia.
Sabi pa ng The EDDYS Best Actress, ipinagmatiwala niya lahat sa kanilang direktor na si Richard Somes ang lahat ng mga intense at delikadong eksena niya sa “Topakk”, ang kanya ring first full-length action movie.
“More than fears, mas excited ako kasi maganda ‘yung kwento, ‘yung film, ‘yung purpose and advocacy ng film. ‘Yung na-experience naman na nasaktan, hindi na namin na-feel ‘yun kasi nasa moment na kami ng eksena,” sey ni Julia.
Patuloy pa niya, “Sa action, napansin namin, hindi ka pwedeng naka-steady lang or lutang ka. Magkamali ka lang ng move, mamali mo rin ‘yung co-actor mo. So importante ‘yung rhythm.
Sabi naman niya about Arjo, “Ang sarap katrabaho ni Arjo, kasi titingin ka lang, sasabay ka na eh. Doon ko sinasabi na masarap gawin yung eksena kung ganito kagaling yung katrabaho mo.”
Nauna nang naikuwento ni Julia ang mga naranasan niyang challenges while filming the movie, kabilang na riyan ang isang eksena kung saan aksidenteng napako siya sa tuhod.
“Kasi ‘yung eksena na ‘yun, nagko-confrontation na ‘yung mga characters. ‘Yun ‘yung first meet up namin ni Arjo, so medyo intense na ‘yung mga bagay bagay.
“Eh nahiya naman akong i-cut (yung eksena) para sabihin na teka lang napako ako, so ang ginawa ko dahil intense ‘yung eksena, wala sa akin ‘yung camera doon ko hinugot ‘yung pako,” kuwento ng aktres.
Samantala, marami naman ang mga nagsabing napakalakas ng laban ni Arjo sa pagka-best actor para sa “Topakk” sa darating na MMFF 2024 Gabi ng Parangal.
Napakarami raw kasing ipinakitang bago ng asawa ni Maine Mendoza sa movie, lalo na ang layer kung saan nabigyan ng hustisya ng aktor ang kanyang karakter na may PTSD o post traumatic stress disorder.
In fairness, lahat ng mga nakatrabaho ni Arjo sa naturang entry ay nagkakaisa sa pagsasabing pang-best actor ang akting ng aktor sa “Topakk.”