SI Sylvia Sanchez ang nagwagi kay JK Labajo bilang producer sa una nitong major concert sa SM MOA Arena na “juan karlos LIVE”.
Karamihan sa mga nanood kay JK ay mga Gen Z at Gen Alpha na alam ang mga kanta ng binata at may ilang Millennials din kaming nakita pero ang karamihan ay mga gays na ikinagulat namin.
Na-shocked talaga kami, hindi namin alam nA malakas pala si JK sa miyembro ng LGBTQ.
Ang landi kasi mag-perform ni JK malambing na nga kumanta sasabayan pa ng konting giling at saka magwawalwal.
Kahit na Rockstar ang binata ay hindi maingay ang mga kanta niya kaya nagustuhan din namin pero aminado kaming hindi namin alam ang karamihang kanta niya dahil “Buwan” at “Ere” lang ang madalas naming marinig.
Baka Bet Mo: Melai nangakong hindi lilipat ng TV network; sobrang natakot kay JK, bakit kaya?
Anyway, pagkatapos ng concert ni JK ay nagyayang kumain si Sylvia sa Solaire Resort at doon inamin ng aktres/prodyuser na sobrang nakahinga na siya ng maluwag dahil sulit ang ilang buwan nilang puyat para sa paghahanda ng show.
‘Oo nga, kitang-kita na ang itim na guhit sa mata mo,’ biro namin dahil ang laki ng eyebags niya at umaming ilang gabing walang tulog at sa sasakyan lang daw siya nakaka-idlip habang papunta ng meetings.
Kaya pala naming nabanggit na si Sylvia ang nagwagi bilang unang producer ni JK sa major concert nito ay dahil kaliwa’t kanan pala ang nag-aalok na sa binate na ipag-produce siya ng concert pero tumatanggi siya dahil nangako siya na kapag handa na siya ay sa Tita Sylvia niya ipagkakatiwala ang lahat.
“Tatlong taon kong niligawan si Juan Karlos ‘no? Sabi ko dati, ‘nak tara concert tayo, lagi niyang sagot ayaw pa niya. Kaya sabi ko sige hihintayin kitang magsabi.’
“Laging ganu’n tuwing mag-uusap kami ‘yun at ‘yun ang tanong ko, laging hindi pa rin ang sagot, hindi pa raw siya handa. Magkasama kasi kami sa Senior High (Kapamilya series) at kinukulit ko talaga siya.
“Sabi ko pa nga, kaya mo n a ‘yan may Buwan at Ere ka ng sikat na kanta okay na ‘yan. Pero hindi pa rin siya pumapayag,”kuwento ng Nathan producer.
Hanggang sa nakatanggap na siya ng tawag mula sa talent management ni JK at ng music label nito na sinabing handa ng mag-concert ang mang-aawit.
“Sabi sa akin ng UMG, may mga gustong mag-produce na ng show ni JK at sinabi nila kay JK, sabi raw, teka muna, may napangakuan ako, si tita Sylvia ‘yun,” tsika ng aktres.
Kaya naman nagbunga ang matagal na paghihintay ni Ibyang kay JK at heto pa, may repeat ang juan karlos LIVE sa SM MOA Arena sa November 2025 dahil uunahin muna nila ang world tour sa Australia, Canada at US bandang May, June at July.
Sabi pa ni Ibyang, “sa akin na ipinagkatiwala ng UMG si JK, akin ang rights ng lahat ng jk live concerts niya.”
At ngayong tapos na ang concert ni JK ay ang Topakk movie naman ni Cong. Arjo Atayde ang aasikasuhin ng aktres dahil ito ang unang entry nila sa Metro Manila Film Festival at natapat pa sa 50th year nito.
Base sa feedback ng lahat sa trailer ng Topakk ni Arjo ay posibleng masungkit nito ang Best Actor award sa darating na MMFF Gabi ng Parangal sa December 27.