NAGPAABOT ng suporta at pakikisimpatya ang ilang celebrities sa aktres at negosyante na si Neri Miranda na nakakulong pa rin ngayon dahil sa kasong syndicated estafa.
Sa Instagram post ng asawa ni Neri na si Chito Miranda kung saan kinumpirma nga nito ang pag-aresto at pagkakakulong sa aktres, bumuhos nga ang pagsuporta sa kanilang pamilya.
Halos lahat ay nagsabing naniniwala silang walang kasalanan si Neri at biktima lang siya ng mga taong mapagsamantala at manloloko ng kapwa.
Inaresto si Neri ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) habang nasa isang convention sa Pasay City noong November 23, dahil sa 14 counts of violation of Securities Regulation Code, estafa, at syndicated estafa.
Base sa ulat, aabot sa P1.7 million ang inirekomendang piyansa para sa 14 counts of security regulations violation habang non-bailable naman ang syndicated estafa at estafa.
Baka Bet Mo: Sunshine Dizon sa basher na pinagdiskitahan ang kanyang estafa case: ‘You don’t know the whole story’
Sa kanyang Instagram at Facebook page, binasag ni Chito ang kanyang katahimikan hinggil sa kasong kinasasangkutan ng asawa.
“Praying na ma-sort out na ang lahat ng ito…kawawa naman yung asawa ko. Never nanloko si Neri, at never sya nanlamang sa kapwa.
“Never siyang kumuha or nanghingi ng pera kahit kanino man. Alam ng lahat yan. Tulong lang sya ng tulong hangga’t kaya nya.
“Minsan kahit di na nakakabuti sa kanya. Kadalasan nga, naaabuso na sya pero hinahayaan nya nalang, basta wala syang ginawang masama.
“Pinapa sa Diyos nya na lang. Tulad ngayon, endorser lang sya tapos ginamit yung face nya to get investors.
“Kinasuhan sya ng mga nabiktima. Tapos last week, bigla na lang syang inaresto for the same case kahit hindi pa sya binigyan ng notice na may bagong criminal complaint pala laban sa kanya, and di nya na-defend yung sarili nya.
“Wala syang nareceive na letter from the prosecutor, walang subpoena, walang kahit anong notice.
“Yung mga dati, nareceive namin nya, at nag comply sya, (alam naman ng lahat na madali kami mahanap sa Alfonso)
“Anyway, dinampot na lang sya bigla.(Nadismiss na yung mga similar na kaso sa ibang lugar, and we’re praying na sana ma-dismiss na din ito.)
“Wala siyang kinuhang pera sa ibang tao, lahat ng pera nila na kay Chanda, ang may ari ng Dermacare. Sobrang bait po ni Neri…as in sooobra.
“Eto yung babaeng kinulong ninyo without bail, habang nakalaya pa yung mga tunay na may kasalanan.”
Narito ang mensahe ng ilang celebrities para kay Neri at sa kanyang pamilya.
Sabi ni Joross Gamboa, “Malalagpasan ninyo ang pagsubok na eto in Jesus Name.”
Ayon naman kay Donnalyn Bartolome, “Praying with you Kuya. This is so heartbreaking.”
“Alam naming mabuting tao si Neri,” ang post ni Rita Avila.
Sey naman ni Marissa Sanchez, “Grabe nmn!!! Praying for u Neng @mrsnerimiranda everyone knows ur heart! This too shall pass.”
“Yakap po kuya,” sabi naman ni Frankie Pangilinan.
Ang ilan pang celebrities na nagpahayag ng suporta kay Neri ay sina Ogie Alcasid, Jugs Jugueta, Zeinab Harake, Barbie Imperial, Isabel Oli, Ara Mina, Empoy, Kaladkaren at marami pang iba.