KINUMPIRMA ng National Capital Region Police Office-Southern Police District (NCRPO-SPD) na may isang aktres at negosyante silang inaresto dahil sa kasong estafa.
Naglabas ng statement ang NCRPO-SD tungkol sa isang 41 anyos na pinangalanang “Alyas Neri” na hinuli ng mga otoridad kamakailan. Wala silang inilas na report kung ano ang tunay na pangalan ng naarestong aktres at businesswoman.
Ito’y matapos ibalita ng talent manager at online host na inaresto umano ng mga pulis ang misis ng Parokya ni Edgar lead vocalist na si Chito Miranda noong November 23 na may kinalaman umano sa negosyo.
Ayon sa pulisya, isang manhunt operation ang kanilang isinagawa laban kay “Alias Neri” sa basement ng isang convention center sa Pasay City mall dakong 2:50 ng hapon nitong nagdaang Sabado.
Baka Bet Mo: Drag queen Pura Luka Vega inaresto ng Manila Police, pwedeng magpiyansa sa halagang P72k
Ito’y base na rin sa warrant of arrest para sa 14 counts ng “violation of Section 28 of Republic Act 8799”, o ang Securities Regulation Code, na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 111 sa Pasay City.
Ayon sa Section 28 ng Securities Code, “it prohibits a person from engaging as a broker, dealer, salesman or an associated person of any broker or dealer when buying or selling securities unless registered with the Securities and Exchange Commission.”
Sabi pa ng SPD, ang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado ay “P126,000 for each count” kaya aabot ang bail sa halagang P1,764,000.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas na anumang pahayag si Neri o ang asawa niyang si Chito Miranda hinggil sa isyu.
Wala pa ring balita kung nakapagpiyansa na ang tinutukoy na “Alias Neri” para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa YouTube channel na “Showbiz Update” ibinalita nga ni Ogie nangyari raw kay Neri na itinuturing pa ng mga otoridad bilang isa sa “top most wanted person”.
“May nagpasa lang ng impormasyon na ito sa amin na last November 23 ay inaresto ng Pasay City Police sa kasong paglabag sa section 28 of the RA 8799 o ang tinatawag na the securities and regulations code ng Securities and Exchange Commission ang aktres at tinaguriang wais na misis na si Neri Miranda.
“Di pa malinaw kung anong eksakto ang dahilan at kung sino ang mga nagrereklamo.
“Kung totoo man ito ay mas magandang mapakinggan din ang panig ni Neri. Sana ay mapakinggan natin ang bersyon ni Neri at ng mga nagreklamo sa kanya,” ayon kay Ogie.
Bukas ang BANDERA sa magiging pahayag ni Neri o ng sinumang nais magsalita tungkol sa balitang ito.