Sara Duterte hinainan ng subpoena ng NBI

Sara Duterte hinainan na ng subpoena ng NBI

PHOTO: Facebook/Inday Sara Duterte

INIHAIN na ng National Bureau of Investigation o NBI nitong Martes, November 26, ang subpoena para kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y “assasination threat” niya laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa inilabas na report ng ABS-CBN News, nagpunta ang NBI sa opisina ng bise presidente sa Mandaluyong ngayong tanghali para i-serve ang subpoena nito.

Matatandaang noong Sabado, November 23, nagsagawa ng press conference si VP Sara kung saan inilahad nito sa media na may pinagbilinan siyang tao para ligpitin sina Bongbong Marcos, asawa nitong si Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.

“Huwag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kaniya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke.

Baka Bet Mo: Bilin ni VP Sara: Kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta

“Nagbilin na ako. Kapag namatay ako, sabi ko ‘Huwag kang tumigil ha, hanggang hindi mo mapatay sila.’ And then he said yes,” dagdag pa ni VP Sara.

Dahil nga sa kanyang mga naging pahayag na may inutusan siyang indibiduwal na pumaslang sa tatlo sakaling pumanaw siya kaya siya nabigyan ng subpoena ng NBI.

Ayon naman kay Sen. Bato dela Rosa ay tinawanan lamang ni VP Sara ang balitang maglalabas ng subpoena ang NBI kaugnay sa kanyang “active threat” sa tatlo.

Habang isinusulat ito’y wala pa namang tugon ang kampo ni Duterte hinggil sa nasabing subpoena.

“Ako nag-inform sa kaniya kaninang umaga, nag-usap kami. Tapos tawa siya nang tawa, tinawanan niya,” lahad ni Dela Rosa sa usapan nila ni VP Sara.

Dagdag pa niya, “Ano naman daw ang krimen na na-commit niya? Patayin muna siya bago siya maka-commit ng crime. By that time, sinong mananagot kung napatay na siya, ‘di ba? Yun nga ang premise eh, conditional. Patayin n’yo ako, papatayin ko kayo.”

Read more...