Coco nagtapon ng P11-M, ipinagawang bahay pinatibag…anyare?

Coco nagtapon ng P11-M, ipinagawang bahay pinatibag...anyare?

Coco Martin

HINDI lang pala sa mga katrabaho istrikto si Coco Martin kundi maging sa pamilya niya base na rin sa solong panayam sa kanya ni Ogie Diaz.

Inamin ng aktor na ang mga kapatid niyang sina Ronwaldo at Ryan Martin na gumaganap bilang Santino at Dolfo sa teleseryeng “FPJ’s Batang Quiapo” ay walang special treatment.

“Nahihiya ako kasi pinasok ko sila sa Batang Quiapo kasi baka isipin ng ibang tao na porke kapatid pinasok, sabi ko naman ‘ibang tao nga natutulungan ko.’  Siyempre di ba, honestly bilang Pilipino tutulungan mo rin ‘yung mga kapatid mo.

“Pero lagi kong sinasabi talaga (bilin kina Santino at Ryan) ayaw kong mapapahiya talaga kasi ayaw kong masira ang pangalan ko sa mga boss, di ba? Ayaw ko ‘yung baka mag-feeling-feeling sa set, or magtamad-tamaran, alam mo ‘yun o hindi marunong umarte,” pahayag ng actor-producer at director sa YouTube channel ni Ogie.

Baka Bet Mo: Julia nakabili ng bagong bahay malapit sa mansion ni Coco

Inamin din ni Coco na hindi niya kasama sa tent ang mga kapatid, “Hindi, magkakasama sila ng co-actors.”

Sabi pa niya, “Oo ganu’n kasi ang inaano ko (iniisip ko) ang respeto kasi kailangan may (wall) kasi nasa trabaho kami wala naman kami sa bahay, di ba?


“Saka para alam din nila kung ano ‘yung takbo o patakaran, siyempre puwedeng lumaki ang ulo ng mga ‘yan kasi ako line producer at director, di ba? At mas lalo kayong mag-ingat kasi kapatid ko kayo at konting mali n’yo lang sa akin magre-reflect at magmumukhang kinukunsinti ko kayo. Mayabang kayo dahil kapatid ninyo ako,” paliwanag ni Coco.

Pagdating sa bahay ay pareho ang trato ni Coco sa mga kapatid at kasambahay, “Kasi ganu’n ako kabalanse, ayaw kong nakikita ko mga kapatid ko na mag-boss-boss, ay hindi, ayaw ko no’n para ‘yung respeto rin makita nila na, ‘ah patas ang taong ‘to,'” katwiran pa ng aktor.

Pero kahit ganito kahigpit si Coco sa mga kapatid ay mapagmahal at maasikasong kuya siya dahil binigyan niya ng tig-iisang bahay ang lahat, kasama na ang ina, ang stepfather at ama.

Ang paliwanag nito sa ganu’ng set-up ay, “Kasi ‘yung isang factor na wala kaming magulang o hindi sila tumayong magulang sa amin, walang tatayo kundi ako.”

Ang kaso may mali sa ipinagawa niyang bahay, “Yung bahay ko ngayon kung saan ako nakatira, siyempre hindi pa naman ako nakakaintindi noon, nu’ng patapos na nakita ko yung kuwarto ko malaki, yung sa mga kapatid ko maliit sa mata ko kaya pinatibag ko.

“Nagtapon ako ng P11 milyon para lang baguhin, hindi naman pareho sa bahay ko pero alam kong maayos sila at kumportable sila,” saad nito.


Nasa iisang compound lang sila kaya kahit may kanya-kanyang bahay ang bawa’t isa ay may isyu pa rin kaya nagpagawa ulit siya ng bagong bahay.

Say ni Coco, “Yung imahinasyon mo na magkakasama ang pamilya mo nang buo may problema pa rin. Nagkakaroon ng conflict at ako ‘yung pinakamalungkot kasi nga pangarap ko, nandoon na mommy ko, nandoon na rin tatay ko, kaso ganu’n talaga hindi maiiwasan.

“Kaya ang ginawa ko isa-isa kong ginapang, pinag-ipunan ko lahat (nagpagawa ng bagong bahay), na nasa iisang village na sila,” aniya.

At ang bahay na tinitirhan ngayon ni Coco na na-pictorial sa isang magazine na resort style ay solo na nito at kasama niya sa compound ang ina at ama na magkaiba ang bahay na tirahan.

Read more...