ALAMIN: Ano ang mga pasabog sa Miss Universe 2024 pageant?

#Alamin: Ano ang mga pasabog sa Miss Universe 2024 pageant?

PHOTO: Instagram/@missuniverse

ILANG oras nalang, malalaman na ng buong mundo ang tatanghaling bagong reyna ng Miss Universe para sa taong 2024!

Siyempre, hindi tayo dapat magpahuli sa chika kaya narito ang buong detalye kung ano ang mga ganap sa coronation event.

Ang final competition ay mangyayari sa Arena CDMX sa Mexico City, Mexico ngayong araw, November 17, simula 9 a.m. (Manila time).

This year ang may pinakamaraming kandidata na sumali sa international pageant na umabot sa 125 delegates.

Now lang ito nangyari –ang lumampas ng 100-mark dahil ang dating record ay nasa 94 lamang noong 2018 kung saan nagwagi ang ating pambato na si Catriona Gray.

Baka Bet Mo: Chelsea Manalo Go, Go, Go na sa Miss Universe 2024: Let’s do this!

At dahil marami-rami ang sumali, tila mag-iiba ng kaunti ang format ng kompetisyon.

Unang pipiliin ang Top 30 qualifiers at isa sa kanila ay winner sa fan vote.

Kaya mga ka-BANDERA, habang may time pa –vote, vote vote na tayo sa panlaban ng Pilipinas na si Chelsea Manalo!

Ang 30 semifinalists ay magpo-proceed naman sa swimsuit competition na siyang pagpipilian para sa Top 12 at isusunod agad diyan ang evening gown segment.

Pagkatapos niyan, magiging lima nalang ang mga kandidata na siyang sasabak sa question-and-answer portion.

At siyempre kapag nalampasan na nila ‘yan, isang winner ang kokoronahan ng Miss Universe, habang ang remaining four finalists ay magiging runner-ups.

Bukod diyan, magkakaroon din daw ng four continental queens.

Kung host naman ang usapan, muling magsasama sa entablado ang Hollywood actor and presenter na si Mario Lopez at si Miss Universe 2012 Olivia Culpo.

Kung matatandaan, una silang nagsama sa 69th edition na ginanap sa Florida noong May 2021.

Magbabalik ding as tandem hosts ang “Access Hollywood” correspondent na si Zuri Hall at si Miss Universe 2018 Catriona Gray as backstage correspondents.

Ang magpapakilig naman at nakatakdang humarana sa mga beauty queen at audience ay ang sikat na “Blurred Lines” singer na si Robin Thicke.

Ang returning pageant judges naman ay sina Latin music star Emilio Estefan, Miss Universe 1978 Margaret Gardiner from South Africa at Dubai-based international fashion designer Michael Cinco.

Ang 73rd edition ay mapapanood sa Miss Universe YouTube channel, pati na rin sa ilang ABS-CBN platforms, kabilang na ang A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Metro Channel, at iWantTFC.

Ang reigning Miss Universe na si Sheynnis Palacios ng Nicaragua ang magpapasa ng korona at titulo sa kanyang magiging successor ngayong taon.

Samantala, ang ating pambato na si Chelsea ay gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino of Afro-American descent na ilalaban ng Pilipinas.

Makukuha niya kaya ang ika-limang korona ng ating bansa sa Miss Universe?

Ang mga Pinay queens na nauna nang nagwagi sa nasabing international competition ay sina Gloria Diaz noong 1969, Margie Moran in 1973, Pia Wurtzbach noong 2015, at si Catriona noong 2018.

Read more...