MATAPANG na inamin ng content creator na si Chloe San Jose na siya nga ang nagbigay ng reaksyon tungkol sa hiwalayang Ai Ai delas Alas at Gerald Sibayan.
Kumalat sa social media ang screenshots ng pang-ookray ng girlfriend ni Carlos Yulo kay Ai Ai matapos kumpirmahin ng komedyana na iniwan siya ni Gerald at nagkanya-kanya na sila ng landas.
Bumuwelta si Chloe kay Ai Ai dahil sa mga naging pahayag nito laban sa kanila ni Caloy noong kasagsagan ng kaguluhan at alitan sa pagitan ng pamilya Yulo.
Ipinagtanggol ng aktres ang nanay ni Carlos na si Angelica Yulo at binigyan ng advice si Chloe sa pakikipagrelasyon at sa tamang pagrespeto sa nanay ng kanyang boyfriend.
Sey ni Ai Ai kay Chloe, “Kasi nanay yan, e. Kung wala yung nanay niya, wala kang darling ngayon. Kaya, girl, huwag mo siyang aawayin.
Baka Bet Mo: Chloe San Jose biktima ng domestic violence kaya nilayasan ang pamilya
“Tsaka hindi ka pa asawa, girl. Girlfriend ka pa lang. Kapag asawa ka na, puwede na. Pero kapag girlfriend pa lang girl, huwag mo munang awayin.
“Kasi alam mo naman ang mga mommy, di ba? Isa yan sa mga way na magiging harmonious ang inyong relationship,” ang sabi ni Ai Ai sa panayam ng BANDERA at ilang piling members ng press.
Kasunod nga nito, nakakita naman si Chloe ng pagkakataon na maresbakan si Ai Ai nang aminin nito sa publiko na hiwalay na sila ni Gerald.
Ni-repost ni Chloe ang isang artikulo tungkol dito at nilagyan ng caption na, “Back to you mamang, hindi para pagtawanan ang sitwasyon mo pero ang ginagawa mo sa iba ay babalik din sa’yo ng 10x —it’s just the universe’s law.”
May mga netizens na nagduda kung si Chloe nga ang nag-post nito dahil wala naman ito sa kanyang official at verified Facebook account. Pero may nagkumpirma nga na naka-“friends of friends” daw ang post ng dalaga kaya hindi ito makikita ng kanyang FB friends.
Kahapon, November 14, nag-post si Chloe ng video sa social media na kuha sa Seoul, South Korea at dito nga siya dinagsa ng tanong mula sa netizens kung siya nga ang bumanat kay Ai Ai.
Sabi ng isa niyang follower, “Asan na po ate yung patama mo kay ma’am ai ai?”
Dugtong ng isa pa, “Stay authentic daw sya pero naduwag i public ang post. Atleast si Ai nu’ng nagpayo, direct sa kanya e sya naka hide, backstabber ang datingan (laughing in tears emoji).”
Sumagot dito si Chloe at sinabing wala siyang nakikitang masama sa kanyang post tungkol kay Ai Ai at nagpaliwanag kung bakit hindi niya ginawang public ang bwelta niya sa komedyana.
Hirit ni Chloe, “Why didn’t I make the post public? Because I do not involve myself in other people’s private lives PUBLICLY (especially without understanding and knowing the full story) and contribute to you all’s clown and fake entertainment.
“It’s beyond my control that someone took a screenshot of what was intended as a ‘private’ post… Now, let’s consider if I had posted it publicly. My caption was neither derogatory nor offensive in any way. So, why the outrage?
“Isn’t it actually more cowardly for people to discuss me publicly yet never address me directly in private, considering they have both the means and access to reach out directly.
“The true courage, ‘matapang’ and meaningful discussions take place offline, not on the internet,” aniya pa.
Wala pang sagot si Ai Ai sa banat na ito ni Chloe. Bukas ang BANDERA sa magiging reaksyon ng Comedy Queen.