Vice Ganda nanindigan sa pagkatao ni Ion: Mabuti ang puso ng asawa ko!

Vice Ganda nanindigan sa pagkatao ni Ion: Mabuti ang puso ng asawa ko!

WALANG pakiaalaman ang mag-asawang Vice Ganda at Ion Perez pagdating sa pagdedesisyon sa kanilang respective career.

Never daw nagdiktahan ang celebrity couple kung ano ang dapat nilang gawin kapag may kailangan silang desisyunan hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa kanilang trabaho.

Mariing dinenay ni Vice Ganda na may kinalaman siya sa biglang pag-atras ni Ion sa pagtakbong konsehal sa Concepcion, Tarlac.

Sey ng Phenomenal Box-office Star, nagsa-suggest lamang sila para sa kabutihan ng sa isa’t isa pero, “We don’t decide for each other.”

“Hindi ako sasabihan ni Ion na dapat ganito ‘yung gawin ko. Ako rin sa kanya, hindi ko sasabihin sa kanya na dapat ganito ‘yung gawin mo.

Baka Bet Mo: Vice inilihim ang proposal ni Ion: Sobra akong natakot na babuyin lang ng tao itong bagay na napakaganda sa akin

“Hinahayaan namin ‘yung isa’t isa na pumroseso ng mga bagay pero nakaalalay kami,” ang sey ng TV host-comedian sa interview ni Ogie Diaz para sa kanyang YouTube vlog.

“So yung mga desisyon n’ya sa buhay ay desisyon niya ‘yun at pinagkakatiwalaan ko siya,” paliwanag pa niya.

Dagdag na paglilinaw pa ng “It’s Showtime” host, sariling desisyon ni Ion ang huwag munang tumakbo sa 2025 midterm elections kahit na nakapag-file na siya ng Certificate of Candidacy (CoC).

Lahad ni Vice, “Alam mo pareho kami. Si Ion nasa politics ever since, youth leader siya sa Tarlac noon pa.

“At saka ever since bago pa kami magkakilala ay active siya sa public service sa Tarlac. Kaya lagi siyang nasa Tarlac ang dami niyang ganap,” pahayag Vice.

Ayon pa sa TV host-comedian, hindi na siya nagtaka nang ipaalam sa kanya ni Ion ang desisyon nitong umatras na sa pagkandidatong konsehal sa Concepcion.

“Kilala ko ‘yung pagkatao niya na, mabuti kasi ‘yung puso ng asawa ko. Hindi siya mag-aaksaya ng pagmamahal at tiwala at suporta sa kanya ng mga tao.

“Noong sinabi niya ‘Hindi na ako tutuloy.’ Sabi ko, ‘Bakit?’ Sabi niyang ganu’n, ‘Kung tutuloy man ako, kung saka-sakaling gagawin ko kailangan ko siyang paghandaan, pagplanuhan, lahat. Sa ngayon, ayaw kong ipahiya ‘yung mga magtitiwala sa akin.’ Kasi baka manalo siya,” sey pa ni Vice.

Sa isang TikTok video, ibinalita ni Ion ang pag-atras sa eleksyon, “Sa mga kalugar ko diyan sa Concepcion, una po maraming salamat sa tiwala at suporta niyo na ibinigay sa akin.

“Pinapaalam ko lang po na hindi na po ako tatakbo o tutuloy bilang konsehal ng Concepcion. Gusto ko po munang ihanda ang sarili ko para hindi mapahiya sa inyo at mapaglingkuran kayo ng tama.

“Muli po, maraming maraming salamat sa inyong tiwala. Paumanhin po,” ang mensahe pa ng partner ni Vice.

Read more...