NAPANATILI ng mga OPM icon na sina Rey Valera at Marco Sison ang pagiging grounded sa kabila ng nakamit na tagumpay sa entertainment industry.
Sa ilang dekada nina Rey at Marco sa mundo ng showbiz ay sinisiguro nila na hindi aakyat sa ulo nila ang kayabangan at kahambugan kahit na nga itinuturing na silang mga icon sa music industry.
Nakachikahan ng BANDERA at iba pang miyembro ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang dalawang OPM artist sa presscon ng kanilang concert titled “Ang Guwapo at Ang Masuwerte.”
Sabi ni Rey, may conscious effort siya na iwasang umakyat sa ulo ang tinatamasang kasikatan at tagumpay, “Aaminin ko na sa inyo na kahit ano ‘yung success na natanggap ko, hindi ko hinahayaan na umikot sa ulo ko ‘yung… nakabili ako ng sasakyan, takbo agad ako sa tindahan, dala-dala ko ‘yung bagong sasakyan.
“Bibili ako ng Sky Flakes para lang ipaalala ko sa sarili ko na, ‘huy, tapak ka sa lupa.’ Totoo ito. Kahit na galing ako sa show na napaka-successful at feeling ko sikat na sikat ako, feeling ko guwapong-guwapo ako, takbo agad ako du’n sa tindahan.
“For a while, magyoyosi lang ako, kakain ako ng crackers para ma-tone down at ibaba ka ulit sa, you know, sa reality. Ganu’n. Siyempre nu’ng wala, mahirap ka, ‘yun ang kinakain mo, eh,” sabi pa ng OPM legend.
Para naman kay Marco, “It reminds you of where you came from. And kahit paano, nare-remind ka, na lahat ng ‘yan, nandiyan, pero ‘wag mong (iaakyat sa ulo mo). Kumbaga, grounded ka pa rin.
“Malaking porsiyento ng swerte ang ugali,” pahayag pa ni Marco.
Samantala, suportado rin ng dalawang icon ng music industry ang mga baguhang singer tulad ng magiging guest nila sa kanilang “Ang Guwapo at Ang Masuwerte” concert – yan ay sina Andrea Gutierrez at Elisha.
Sila ay mga talent ng producer ng concert nina Rey at Marco na Echo Jham Entertainment. Sey ni Rey, “‘Yung dalawang batang ‘to, ginagawan ko ng kanta.”
Available na ang tickets para sa “Ang Guwapo at Ang Masuwerte” sa Ticket World at Music Museum na magaganap sa November 22 sa Music Museum. Ito’y mula sa direksyon ni Calvin Neria.