IMINUNGKAHI ni dating Ilocos Sur Governor at kasalukuyang senatorial candidate Chavit Singson ang mas pinabuting healthcare system sa mga kulungan sa bansa.
Kabilang diyan ang pagkakaroon ng in-house hospitals upang mabawasan ang problema sa seguridad ng mga persons deprived of liberty (PDL), pati ng mga opisyal ng piitan.
Bahagi ito ng layunin ni Chavit nang bumisita siya sa Quezon City Jail kamakailan kasama si Ako Ilocano Ako Congresswoman Richelle Singson.
Baka Bet Mo: Chavit isusulong modernisasyon ng transportasyon ‘pag nahalal sa Senado
Ayon kay Chavit, dahil sa kawalan ng maayos na pasilidad pangkalusugan para sa mga preso, napipilitan ang mga opisyal na dalhin ang mga may iniindang sakit o nangangailangan ng check-up sa mga clinic o ospital sa labas ng kulungan.
Ang nakagawiang ito ay hindi lamang nagdudulot ng security risk para sa mga preso at opisyal, kundi pati na rin sa mga nasa pasilidad na pinagdadalhan sa mga pasyente.
Ikinatuwa ng mga PDL at opisyal ng Quezon City Jail and mungkahi ni Singson, lalo pa’t nagdala din ito ng mobile hospital na may kasamang mga doktor at healthcare workers na nagsagawa ng libreng check-up at consultation sa kanyang pagbisita.
Nag-file ng certificate of candidacy (CoC) sa pagka-senador si Singson noong October 7 para sa 2025 elections.