NAGSALITA na ang Department of Science and Technology (DOST) patungkol sa naging opinyon ng film direktor na si Jason Paul Laxamana kaugnay sa pagbabalita ng mga bagyong pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa interview ng GMA News Online kay Science and Technology Secretary Renato Solidum, sinabi niya na importante ang maagang pag-update sa publiko upang mapaghandaan agad ng mga lokal na pamahalaan, lalo na ‘yung mga residente na posibleng maapektuhan ng papalapit na bagyo.
“Kahit malayo pa siya sa Pilipinas, pwede na siya makaapekto sa pamamagitan ng mga malalakas na hangin o ‘di kaya malalakas na ulan,” sey ni Solidum.
Paliwanag pa ng kalihim, “Kailangan mabigyan ng early warning ang mga kababayan. Iyang early warning, hindi pa magla-landfall, binibigay na natin ‘yung posibleng maging epekto ng bagyo at in reality, ‘yung landfall lang naman ay pinag-uusapan kung dumating na ‘yun sentro ng bagyo.”
“Dapat mabigyan ng sapat na panahon ng local government ang mga tao na maghanda. Kasi marami kasing paghahanda na gagawin ang local government,” dagdag niya.
Baka Bet Mo: Direk Jason Paul nanindigan sa isyu ng ‘PAR’, netizen tinawag na ‘bobo’
Giit pa ni Solidum, “Hindi ‘yung nandiyan na ‘yung bagyo, tsaka maghahanda.”
Base rin sa panayam ng media network sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), obligado silang mag-report ng anumang weather disturbances, lalo na kung ito ay namataan sa may eastern boundary ng PAR dahil ito ay daang kilometro lang ang layo mula sa pinakamalapit na kalupaan.
Magugunitang umani ng iba’t-ibang reaksyon ang naging hinaing ni Direk John Paul matapos sabihing hindi dapat nilalabas bilang balita ang pagpasok ng bagyo sa PAR.
Ang paliwanag niya, nagreresulta lamang ito ng pagkalito sa publiko at pagpa-panic ng maraming tao.
Ang post na ‘yan ng direktor ay matapos hagupitin ng bagyong Kristine ang ang iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, kabilang na ang Bicol Region.