MUKHANG mapapasabak si Yeng Constantino matapos maimbitahang kumanta para sa kasal ng dati niyang manliligaw na si Ryan Bang.
Kung matatandaan, si Ryan ay na-engage sa non-showbiz girlfriend na si Paola Huyong nitong Hunyo lamang.
Habang noong 2010 nang ligawan ng TV host-comedian ang singer, ngunit hindi sila nagkatuluyan dahil nang-ghost ang una sa huli.
Taong 2022 nang ibunyag ni Yeng na ang inspirasyon sa kanyang kantang “B.A.B.A.Y.” ay ang romantic history nila ni Ryan.
Anyway, naging magkaibigan naman ang dalawa at sa katunayan nga ay masayang-masaya ang singer para sa love life ngayon ng TV host.
Baka Bet Mo: Yeng Constantino, Ryan Bang muntik nang maging mag-dyowa: Bigla na lang siyang nawala!
Sa October 29 episode ng noontime show na “It’s Showtime,” biglang na-bring up ang upcoming wedding ng engaged couple matapos magbiro ang isa sa hosts nito na si Darren Espanto kay Yeng.
“May nagre-request na baka naman sa kasal niya daw pwede kang kumanta,” sey niya na itinuturo si Ryan.
Sagot naman diyan ng batikang singer, “Madlang people, ako naghihintay lang ng invitation e.”
Mukhang nahihiya pang lumapit sa tabi niya si Ryan at sinabing: “Punta ka sa kasal ko.”
Saad naman sa kanya ni Yeng, “Pupunta ako. Gusto niyo sa bahay niyo puntahan ko kayong dalawa e.”
Wika pa ng singer kay Ryan, “Ang saya ko. Ang saya ko para sa’yo.”
Nagpasalamat naman sa kanya ang komedyante at humirit pa na isasalin niya raw sa Korean language ang hit song ni Yeng na “Ikaw” at ito ang kakantahin sa kanyang wedding.
“Sige nga, para ‘pag kinanta ko sa wedding niyo damang-dama mo kasi language mo,” ani naman ng singer.
Samantala, si Yeng ay happily married na sa musician na si Yan Asuncion noong 2015, habang noong Hunyo lamang nag-propose si Ryan kay Paola.