PINAGSABIHAN ng “Cristy Ferminute” host na si Nanay Cristy Fermin ang ilang nagpapanggap na taga-National Bureau of Investigation (NBI) na nagtangkang mang-scam sa kanya.
Ibinalita kasi ng online host na nagbayad na siya ng kanyang piyansa sa halagang P240,000 pero may mga scammer na nais mambiktima sa kanya hinggil dito.
Nitong Lunes, Oktubre 28 ay absent si ‘Nay Cristy sa programa nila ni Romel Chika sa 92.3 True FM dahil nagbayad siya ng bail sa kaso niyang five counts of libel na isinampa ng mag-asawang Francis “Kiko” Pangilinan at Sharon Cuneta sa Makati City noong Mayo.
May warrant of arrest na inisyu kay ‘Nay Cristy kaya nagkusa na siyang sumuko.
Say ni ‘Nay Cristy sa programa nila ni Romel Chika, “Usung-uso po ngayon ang mga impostor, ‘yung mga nagpapakilalang ahente sila ng NBI at ng mga kapulisan para sila’y makaraket, makapanloko ng mga tao.
“Huwag n’yo na po akong ibilang sa lolokohin n’yo (sabay pakita sa camera ang dokumentong nagpapatunay na nakapag-bail siya), heto na po ang order, wala po kayong mapapala sa akin.
Baka Bet Mo: Cristy Fermin dinepensahan si Lolit Solis: Sino namang nasa tamang pag-iisip ang magsasabi na naiinis siya kay Vice?
“Pirmado na po ni Judge Andres Bartolome Soriano ng branch 148 RTC Makati ang (released) order, hayan, naiayos ko na po ang problema, wala na po kayong maaaring gawin. At ang order na ito ay mayroon ako sa wallet, meron ako sa bag, hanggang banyo meron na yata ako kaya wala kayong mapapala,” aniya pa.
Kuwento pa ‘Nay Cristy, “Ako po ay nagsadya sa Branch 148 ng RTC (Regional Trial Court) Makati. Ito po ang aking paliwanag, isusubo ko na po sa mga vloggers (na) ayaw mag-research, ayaw man lamang mag-imbestiga kaya sige lang sila sa kaba-vlog ng malayo sa katotohanan.
“Kapag ang akin pong kaso sa piskalya ang ating depensa ay hindi sinang-ayunan sa fiscal definitely aakyat po ‘yan sa korte.
“At kapag umakyat po ‘yan sa korte ira-raffle po kung saang sala mapupunta ang kaso at kapag meron na pong nakatalagang judge na hahawak ng kasong ito ay pumunta po kayo para mag-voluntary surrender.
“Ako ay laging ganyan (sa 38 kaso niya noon) voluntary surrender ang ginagawa ko ayaw ko po ng pinaghahanap pa ako ng batas dahil marespeto po ako sa batas.
“Kaya kahapon (Lunes) ako po ay nag-bail (agad-agad, singit ni Romel Chika), oo kaya huwag ka nang magpahanap dahil matindi pong tension ‘yun, matinding stress po ‘yung ganu’n.
“Kaya ‘yung five counts po ng libel na isinampa laban sa akin ng mag-asawang dating Senador Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta ay binail ko na po ‘yan ng P240,000, e, five counts, napakarami pong kailangan na pirmahan.
“Sa bawat counts ganyan (kalahating dangkal) kakapal ang pinirmahan ng aking abogadong si Atty. Shirley Tabancura at ng kanyang assistant talagang ang dami po.
“Kasi five counts po ‘yun tapos babayaran mo pa sa Landbank (of the Philippines) dahil malaki ‘yung piyansa hindi puwedeng doon lang basta sa cashier, so, natagalan po nakauwi ako 2:30 (ng hapon) mula alas-otso ng umaga.
“Ang aking kaso po ngayon ay nasa branch 148 po ng RTC Makati (at) ang presiding judge po ay si Judge Andres Bartolome Soriano,” paliwanag ni Nay Cristy.
Ang nasabing huwes ay itinalaga bilang presiding judge sa RTC Makati branch 148 ng namayapang dating Presidente Noynoy Aquino noong 2012, pero taong 2015 ay binaypas siya ng P-Noy dahil short-listed siya para sa bakanteng upuan sa Court of Appeals.
Ang celebrated cases na hinawakan ni Judge Soriano ay ang mga kaso ni dating Senador Antonio Trillanes lV na libelo (found guilty) at coup case.
Ang nasabing huwes din ang nagbasura ng kasong cyber-libel against Rappler founder, Maria Ressa nang umatras ang negosyanteng nag-file ng kaso na aniya ay hindi na interesado pa.
Samantala, abut-abot ang pasalamat ni ‘Nay Cristy sa mga empleyadong nakasalamuha at nakakuwentuhan niya sa Makati City Hall building 1 na matatagpuan sa Zobel Street cor JP Rizal Sts. Bgy Poblacion.
“Gusto ko lang pong magpasalamat sa lahat ng nakahalubilo ko, mga nakakuwentuhan mula po sa first floor, naku, grabe po talaga hanggang 14th floor talagang laganap po talaga ang CFM at SNN (Showbiz Now Na), maraming salamat sa inyong pangungumusta, sa pagtapik sa aking balikat, sa pagsama ninyo na ‘lalaban tayo.’ Maraming Salamat po sa inyong mga pagmamahal.
“Kahit po ‘yung staff ng branch 148 maraming salamat sa inyo, sa pagtulong sa pag-aasikaso at higit sa lahat sa aking abogado Atty. Shirley Tabancura, kay Merven at kay Tina (assistant ni nanay) na talagang aligagang-aligaga sa pagpapanik-panaog, buti may elevator.
“At sa aking CFM’ers at SNN’ers kayo po ang nag-iiniksyon sa aking dextrose para ako ay lumakas maraming Salamat sa inyo at sa mga vloggers na panay ang kumusta sa akin,” mensahe pa ng premyadong manunulat at host.