Sylvia Sanchez sa tunay na ama: Patay o buhay, gusto ko siyang makita

Sylvia Sanchez sa tunay na ama: Patay o buhay, gusto ko siyang makita

Sylvia Sanchez

SA wakas, makalipas ang mahabang panahon ay posible nang makita ng premyadong aktres na si Sylvia Sanchez ang kanyang tunay na ama.

Nakuha na raw kasi ng veteran Kapamilya actress ang address ng tatay niya recently lang pero ang hindi siya sure ay kung buhay pa ito o patay na.

Magkakaiba raw kasi ang mga kuwentong nakakarating sa kanya tungkol sa naging buhay ng tatay niya, pero kahit ano pa raw ang katotohanan, nais pa rin niyang makita ang ama para magkaroon sila ng “closure.”

Sa mga hindi pa nakakalam, mula nang iwan sila ng kanyang tatay na si Robert Ocampo ay siya na ang tumayong breadwinner ng pamilya sa murang edad.

Baka Bet Mo: Sylvia kay Maine bilang manugang: Suplada raw, ‘wag n’yo siyang i-judge

Sa guesting ni Ibyang (palayaw ni Sylvia) sa “Fast Talk with Boy Abunda”, naibahagi niya kung paano niya isinakripisyo ang sarili para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang ina at mga kapatid.

Pagbabalik-tanaw ni Sylvia, nangibang-bansa ang kanyang ama. Nu’ng mga unang taon ay umuuwi-uwi pa raw ito pero simula noong mag-grade six siya ay hindi na ito nagpakita sa kanila.


“’Di ba alam naman natin na inabandona kami ng tatay ko, nagkaroon ako noon ng, ‘Papa, one day, one day, one day, sisikat ako.’ And sabi ko sa kanya, ‘Hahangaan mo ‘ko, papalakpakan mo ‘ko, Papa,’” pahayag ni Sylvia.

Sa pagkakaalam nila ay nasa Brazil ang ama, pero hindi nila alam ang eksaktong na kinaroroonan nito.

Pagbabahagi pa ng aktres, tandang-tanda pa niya na noong 1992, nang magwagi siyang Best Supporting Acress sa Metro Manila Film Festival, ay napatawad na niya ang ama sa pag-abandona sa kanila.

“’Yung pagtanggap ko ng award, ewan ko, hindi ko alam, basta bigla na lang nawala ‘yung galit. Parang ‘Papa, dahil sa’yo kaya nakuha ko ‘to.’

“Tapos nanawagan pa nga ako nu’n, sabi ko gusto kong makita, mayakap ang papa ko. Hindi ko kailangan ng eksplanasyon niya bakit niya ginawa ‘yun, hindi ko kailangan ng sorry niya, isang yakap lang, Kuya Boy. Na hindi naganap,” sey ng aktres.

Pero bago raw maganap ang interview sa kanya ng “Fast Talk with Boy Abunda” nang araw na yun ay ipinadala ng tita niya mula sa Mindanao ang address daw ng kanyang tatay.

Kaya ngayon ay pinag-isipan niya kung pupuntahan ang ibinigay sa kanyang address, “Closure lang, buhay, patay, kasi meron kasing nagsabi na buhay, maraming nakakita, may nagsabing patay.”

Nauna rito ay may nakapagsabi sa kanya na nakasama nito ang tatay niya at patay na raw ito. Sey ni Sylvia, hindi niya alam kung maniniwala rito pero kilala raw siya ng nakausap bilang si Jojo Campo.

“Walang nakakaalam ng pangalan kong taga-Manila na Jojo Campo. Kung alam mo ‘yung pangalan ko, taga-Mindanao ka, taga-amin ka,” sey pa ng aktres.

Patuloy ng aktres, “Parang sabi ko, ‘Pupuntahan ko, gusto ko lang ng closure.’ Patay o buhay, gusto ko siyang makita.

“Kung patay, gusto ko siyang makita just to say ba-bye, Papay, and I love you and thank you. Dahil sa’yo, naging inspirasyon kita, nagpursigi talaga ako,” aniya pa.

Read more...