Katrina sa pagkamatay ng BF: Ano’ng gagawin ko iiyak nang iiyak!?

Katrina sa pagkamatay ng BF: Ano'ng gagawin ko iiyak nang iiyak!?

Katrina Halili, Jeremy Guiab at Katie

UNTI-UNTING naka-recover si Katrina Halili mula sa pagkamatay ng kanyang boyfriend, ang former Wao, Lanao del Sur Vice Mayor na si Jeremy Guiab.

Halos isang taon na ang nakalilipas nang sumakabilang-buhay ang kanyang partner noong January, 2024 matapos atakihin sa puso.

Naisugod pa ni Katrina sa pinakamalapit na ospital ang dating vice mayor pero hindi na ito umabot doon ng buhay.

Sa panayam ng “Updated with Nelson Canlas” podcast kay Katrina, sinabi nitong okay na siya ngayon at ginagawa ang lahat para maipagpatuloy ang buhay kasama ang kanyang anak na si Katie.

Baka Bet Mo: Herlene Budol ibinuking ng 2 veteran stars, palaging umiiyak kapag sumasablay sa eksena pero marespeto sa mga katrabaho

“Hindi naman ako pwedeng mag-dwell doon sa past na kasi like may anak ako, kailangan ko magtrabaho. Kung hindi ako magtatrabaho, sino’ng bubuhay sa anak ko? Kailangan ko magpaka-strong kasi may umaasa sa ‘kin,” ang pagpapakatotong sabi ni Kat.

Aniya, isa sa mga naging sandalan niya sa pagmu-move on sa biglang pagkawala ni Jeremy ay ang nag-iisang anak niyang si Katie na naging “distraction” niya sa matinding kalungkutan at pagluluksa.

Ito rin daw yung time na ginagawa niya nang sabay ang mga Kapuso series na “Black Rider” at “Mommy Dearest”. Kailangan din naman daw kasi niyang magtrabaho at buhayin ang anak nila ni Kris Lawrence.

“Kinaya kasi kailangan. I mean anong gagawin ko iiyak ako ng iiyak sa bahay? Ang ginagawa ko magte-taping ako, iho-hold ko lang ang sarili ko, di ako wala akong kakausapin, magte-taping ako.

“After ng taping, punta ng wake. Doon ako bubuhos. Naho-hold ko siya, kaysa wala akong taping tulala ako sa bahay, iiyak, ganyan,” paliwanag ni Kat.


Naniwala rin siya na may dahilan ang Diyos kung bakit kinuha Niya agad sa kanya ni Jeremy, “Baunin na lang natin kung ano yung mga naiwan na magagandang memories.

“Ano yung natutunan ko sa kanya. So mas yun yung inisip ko. Ano yung magagandang naiiwan niya sa akin?” pahayag pa ng aktres.

Samantala, hindi pa raw masabi ni Katrina kung ready na siya uli ngayong magmahal at makipagrelasyon uli, basta ang priority niya ay ang kanyang showbiz career at anak na si Katie.

“Kasi alangan naman sabihin kong hindi ako ready tapos baka mamaya bigla akong mainlove. Hindi natin masasabi kasi, di ba?”

“Hindi naman open na open (magdyowa uli), pero hindi lang ako nagsasabing yes or no,” aniya pa.

Read more...