‘Kristine’ posibleng bumalik sa bansa, bagyo sa labas ng bansa binabantayan

‘Kristine’ posibleng bumalik sa bansa, bagyo sa labas ng bansa binabantayan

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

PATULOY nang lumalayo sa ating bansa ang bagyong Kristine matapos lumabas kahapon, October 25, ng alas dos ng hapon.

Base sa 4 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ngayong araw, October 26, huli itong namataan 525 kilometers kanluran ng Bacnotan, La Union.

Taglay into ang lakas na hanging 95 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 115 kilometers per hour.

Ang kilos into ay nasa bilis na 25 kilometers per hour pa-kanluran.

Inalis na rin ng PAGASA ang mga Tropical Cyclone Wind Signals sa malaking bahagi ng bansa.

Baka Bet Mo: PBA tutulong sa ‘Kristine’ victims, ido-donate ang kita sa Game 1 Finals

Ayon sa weather bureau, ang bagyo ay posibleng mag-loop o bumalik sa ating bansa pagdating ng Linggo (October 27) at Lunes (October 28) dahil sa epekto ng binabantayan nilang isa pang bagyo na nasa labas ng Pilipinas.

Ang nasabing sama ng panahon ay may international name na “Kong-Rey” at sakaling pumasok ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ito ay tatawaging bagyong Leon.

Ito ay namataan 1,825 kilometers silangan ng Central Luzon na may taglay na lakas na hanging na 65 kilometers per hour at bugsong aabot sa 80 kilometers per hour.

Kasalukuyan itong kumikilos sa bilis na 80 kilometers per hour papunta sa hilaga.

Dahil sa bagyong Kristine na may international name na “Trami,” asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Occidental Mindoro at Palawan.

Gayundin ang mararanasan na panahon sa Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga ngunit dulot naman ng Southwesterly Windflow.

Ang Metro Manila, magkakaroon ng isolated rainshowers dahil sa localized thunderstorms.

Read more...