Sanya napaiyak sa mga Comfort Woman: Durog na durog din po ako!
NAPAKASAKIT ng iyak ng Kapuso actress na si Sanya Lopez nang magbigay ng mensahe para sa lahat ng mga Filipino Comfort Women na hanggang ngayon ay sumisigaw pa rin ng hustisya.
Hindi napigilan ni Sanya ang maging emosyon na humarap sa ginanap na Pandesal Forum sa 85-year-old Kamuning Bakery ni Wilson Flores para sa Justice for Filipino Comfort Women #FlowersForTheLolasCampaign.
Napapanood si Sanya sa Kapuso historical series na “Pulang Araw” kung saan isa siya sa mga gumaganap ha comfort woman, kasama sina Ashley Ortega at Rochelle Pangilinan.
Kuwento ni Sanya, sumabaka sila sa immersion bago sumabak sa taping ng “Pulang Araw” kung saan personal nilang nakausap ang dalawang comfort woman sa Pilipinas na nabubuhay pa.
Baka Bet Mo: Herlene CR ang comfort zone: Minsan tinatawag ko yung sarili ko ng baliw!
Bukod dito, nakilala at nakausap din nila ang mga taong tumutulong sa ating mga comfort woman na patuloy na nakikipaglaban para mabigyan ng hustisya ang mga lola nating inabuso at ginahasa noong panahon ng World War II mula sa malulupit ng sundalong Hapon.
View this post on Instagram
“Nu’ng una ko silang makasama (lumuluha na)…sorry po very emotional po talaga ako sa ganito. Kasi totoo po ang nangyari sa kanila, sa nangyari sa mga kababaihan noong panahon ng WW II.
“At nu’ng naimbitahan kasi ako sa mga tumutulong para sa comfort women, nakakalungkot po na dalawa na lang po sa kanila ang natitirang buhay. Kailan kaya nila matatanggap ang hustisya na nararapat para sa kanila. Kasi konti na lang sila, kaya kailan pa?
“Pasensiya na po kasi nu’ng nakausap ko sila, sobrang durog na durog din po ako. Sobrang sakit po sa puso na marinig ‘yung kuwento nila. Dahil totoo po ‘yung nangyari sa kanila, at hindi po biro,” ang umiiyak pa ring pahayag ng Kapuso star.
“Isa po sa mga tumatak sa akin doon ‘yung kuwento ni Lola Isang (Narcisa). Sabi niya po, kapag nakikita niya ang mga kabataan ngayon, ‘masaya sila, kung siguro ako ‘yun ngayon, siguro ang saya-saya ko.’ Du’n pa lang, doon ko na-realize sobrang sakit na ‘yun.
“Sobrang suwerte pala natin na hindi natin naranasan ‘yung naranasan nila nu’ng panahon ng Hapon. Napakapalad po natin na hindi natin naranasan ‘yun.
“Kaya sabi ko, nu’ng ginawa ko po itong Teresita rito sa Pulang Araw, mas na-appreciate ko po at ginawa kong inspirasyon ‘yung mga nangyari sa kanila para mas galingan ko pa at pagbutihan upang bigyan ng kredibilidad ang pagganap ko po rito bilang si Teresita.
View this post on Instagram
“Kaya sa mga lola po natin na nakipaglaban, nakipagsapalaran, ‘yung pinaglaban nila ang sarili nila bilang kababaibahan, saludo po ako sa inyo, saludo po ako sa katatagan ninyo kaya ito pong Pulang Araw asahan po ninyo na isa ito sa magiging boses ng ating comfort women.
“Istorya po nila ito, kaya sana ay suportahan natin at sana ay makatulong ang Pulang Araw upang pakinggan ang kanilang mga pinaglalaban kayo po ang inspirasyon namin lalo na ng mga kababaihan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon,” ang tuluy-tuloy na panahaya ni Sanya kahapon sa Pandesal Forum hosted by Wilson Flores.
Ngunit nilinaw naman ni Sanya na wala naman siyang matinding galit sa Japan sa katunayan, favorite tourist destination niya raw ang naturang bansa.
“Masarap kasi talaga po ang pagkain nila. Saka mababait din naman po sila sa amin, sa atin, sa totoo lang po, hindi naman ako nagagalit sa mga tao ngayon, siguro kung magagalit ako sa kanila, siguro nung World War II na bakit nila ginawa ‘yun.
“Pero sa ngayon nandu’n nga ‘yung sabi nila na pwede tayong magpatawad pero hindi natin makakalimutan kung ano ang ginawa nila. Sana nga nga ay maging aral ang nangyari noon sa bagong henerasyon ngayon,” sabi pa ng aktres.
Aside ftom Sanya, um-attend din sa Pandesal Forum ang isa pa sa “Pulang Araw” actress na si Ashley Ortega na isa ring Comfort Woman sa serye.
Dito, nakiisa rin siya sa panawagan ng grupong Flowers for Lolas na sana’y makamit din ng mga Filipino comfort women ang matagal na nilang inaasam na hustisya.
Sabi pa ni Sanya, naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng “Pulang Araw” para malaman ng bagong henerasyon ang mga tunay na nangyari sa mga kababaihang Pilipino noong panahon ng mga Hapon sa bansa.
“Based sa mga nare-receive kong feedback, may impact na talaga at nakakarating na ito sa gobyerno.
“Mas nagiging aware na ngayon ang mga tao kaya naniniwala ako na ang hustisyang nararapat para sa comfort women ay matatanggap nila. Nagiging matapang at nagkakaboses na ang kababaihan,” ani Sanya.
Dumalo rin sa naganap na Pandesal Forum sina Gabriela Cong. Arlene Brosas, Flowers for Lola’s spokesperson Teresita Ang See, Lila Pilipina Director Sharon Cabusao-Silva, Malaya Lolas legal counsel Atty. Virginia Lacsa-Suarez at activist Atty. Dennis Gorecho
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.