INAASAHANG lalabas na ng bansa ang Bagyong Kristine ngayong araw, October 25.
Ayon sa 5 a.m. weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ito ay huling namataan 125 kilometers sa bahagi ng Bacnotan, La Union.
Ang taglay nitong lakas na hangin ay 95 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos sa bilis na 25 kilometers per hour pa-kanluran.
“Inaasahan na kikilos palayo ng ating kalupaan sa susunod na 12 oras at posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility mamayang hapon na,” sey ni Weather Specialist Benison Estareja.
Baka Bet Mo: Buong Luzon, ilang lugar sa Visayas #WalangPasok sa Oct. 25 dahil kay ‘Kristine’
Paliwanag pa niya, “However, knowing na ito ay malapit pa rin sa ating kalupaan at malawak po na bagyo itong si Kristine –around 700 to 750 kilometers po ‘yung kanyang radius at ‘yung lawak ay nasa 1,400 kilometers, posibleng magkaroon pa rin tayo ng Wind Signals at masakop pa rin po ang malaking bahagi ng Luzon sa mga susunod po na bulletins natin.”
Nabanggit din ni Estareja na posibleng mag-loop o bumalik ang bagyo pagsapit ng Lunes, October 28, dahil sa impluwensiya ng isa pang bagyo na nasa labas ng bansa.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang lugar sa luzon kabilang na ang Cagayan including Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, northern portion ng Cavite (Ternate, Maragondon, Naic, Tanza, City of General Trias, Rosario, Cavite City, Noveleta, Kawit, Imus City, Bacoor City), northern portion ng Rizal (Cainta, Taytay, Angono, San Mateo, Rodriguez, Tanay, City of Antipolo, Baras, Teresa, Morong), at northern portion ng mainland Quezon (General Nakar).
Nasa Signal No. 1 naman sa Luzon ang Batanes, ang mga nalalabing bahagi ng Rizal at Cavite, kasali rin ang Batangas, Laguna, natitirang lugar ng Quezon including Polillo Islands, Occidental Mindoro including Lubang Islands, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, northern portion ng mainland Palawan (El Nido, Taytay, Araceli, Dumaran, San Vicente) kabilang na ang mga isla ng Calamian, Cuyo, at, Kalayaan, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, northern at central portion ng Sorsogon (Castilla, Magallanes, Pilar, Casiguran, Donsol, Juban, Gubat, City of Sorsogon, Prieto Diaz, Bulan), at northern and central portions ng Masbate (City of Masbate, Uson, Dimasalang, Mobo, Cawayan, Aroroy, Balud, Mandaon, Milagros, Baleno) kabilang na ang mga isla ng Ticao at Burias.
Narito naman ang mga naka-Signal No. 1 sa Visayas: Aklan, Capiz, Antique kasama ang Caluya Islands, Iloilo, Bantayan Islands, western portion ng Northern Samar (Rosario, Biri, San Isidro, Capul, San Vicente, Victoria, Lavezares, San Antonio, San Jose, Allen, Bobon), at northern portion ng Samar (Tagapul-An).
Bukod sa bagyong Kristine, binabantayan din ng PAGASA ang isang Low Pressure Area at isa pang bagyo na nasa labas ng Visayas.
Ang bagyo ay huling namataan 2,440 kilometers sa silangan ng Eastern Visayas.
Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometers per hour pa-hilaga na kung saan ay unti-unti na itong lumalapit sa kalupaan ng ating bansa.
Sambit ni Estareja, “Maaaring pagsapit ng Linggo (October 27) ay [papasok] ito ng Philippine Area of Responsibility at kung sakali nga na mananatili as a bagyo ay tatawagin po itong Bagyong Leon.”
Ang LPA naman na nasa 2,520 kilometers silangan ng Eastern Visayas ay mababa ang tiyansa na maging isang bagyo, pero posible itong maging parte ng nasabing bagyo.