Abalos naantig sa ‘Balota’, may panawagan para sa mga guro sa 2025 Elections

Abalos naantig sa ‘Balota’, may panawagan para sa mga guro sa 2025 Elections

PHOTO: Facebook/Benhur Abalos

DAGDAG allowance at proteksyon para sa mga guro at poll workers sa nalalapit na 2025 Elections.

Ito ang panawagan ni dating kalihim Benhur Abalos matapos mapanood ang pelikulang “Balota” na pinagbibidahan ni Marian Rivera.

Ayon kay Abalos, hindi nalalayo sa drama movie ang mga nangyayari sa tunay na buhay na kung saan ay madalas nahaharap sa mga panganib, lalo na sa mga lugar na tinatawag na “election hotspots” ang poll workers, partikular na ang mga guro.

“Alam ko po ang mahalagang gampanin ng ating mga guro upang masiguro ang malinis, maayos at tapat na halalan. Subalit nang mapanood ko ang pelikulang ‘Balota,’ mas naunawaan ko ang sakripisyo ng mga guro,” sey niya sa isang pahayag.

Chika niya, “Ang mga guro, tulad ni Teacher Emmy sa pelikulang ‘Balota,’ ay mga tunay na bayani. Sa kabila ng mga panganib at hirap na kanilang hinaharap, patuloy silang nagsisilbi upang masiguro ang malinis at tapat na halalan.”

Baka Bet Mo: Marian na-miss makipagbakbakan, walang keber kahit masugatan

“Hindi biro ang kanilang sakripisyo—ang pagharap sa mga banta sa kanilang kaligtasan, lalo na sa mga lugar na itinuturing na election hotspots,” giit pa niya.

Ang nasabing pelikula ay tungkol kay Teacher Emmy, isang guro sa isang bayan na kilala bilang election hotspot, na nanganib ang buhay habang dala ang huling “ballot box” matapos siyang habulin ng mga armadong grupo ng mga tiwaling pulitiko.

Dahil diyan, sinabi ni Abalos na karapat-dapat lang na bigyan ng karampatang proteksyon at disenteng honoraria ang mga guro na magsisilbi sa darating na halalan.

Hindi na raw kasi sapat ang nakatakdang allowance, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Dapat dobleng pag-aralan ng Comelec ang mga bayad na ito, at dapat matiyak na ang mga guro ay tatanggap ng nararapat para sa kanilang serbisyo,” sambit ng dating kalihim.

Last year lamang, sa kasagsagan ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, ang budget sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10933 ay nasa halagang P10,000 para sa chairperson ng Electoral Board (EB), habang ang mga miyembro nito ay tumanggap ng P9,000.

Ang DepEd Supervisor Official (DESO) naman ay binigyan ng P9,000 at ang support staff ay mayroong P5,500.

Bukod diyan, iminungkahi rin ni Ablos ang pagkakaroon ng mas higit na seguridad at legal na proteksyon para sa mga gurong nagsisilbi sa eleksyon.

Nabanggit pa nga niya na bukod sa nakakatanggap ng banta sa kanilang buhay o “death threats” ang ilang mga guro, nadadamay rin ito sa mga legal na usapin kahit ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.

Si Abalos ay kandidato sa ilalim ng Alyansa para sa Pagbabago 2025 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kasama sa mga adbokasiya niya ang pagbibigay ng mas maraming trabaho, pagrebisa sa Local Government Code of 1991 at pagpapalakas ng hustisya sa bansa.

Read more...