Streetboys 31 years na, patutunayang maangas pa rin sa dance floor

Streetboys 31 years na, patutunayang maangas pa rin sa dance floor

Jhong Hilario, Vhong Navarro, Direk Chito Roño at ang iba pang miyembro ng Streetboys

EXCITED much na ang lahat ng original members ng iconic group na Streetboys sa nalalapit nilang reunion dance concert sa susunod na buwan.

Siyempre, abangers na rin ang kanilang mga supporters sa muling pagsasama-sama ng grupo para sa “SB90s The Streerboys Reunion Dance Concert” na magaganap sa New Frontier Theater sa Araneta City, on November 8.

Humarap ang ilang members ng grupo sa pangunguna nina Vhong Navarro at Jhong Hilario sa naganap na presscon kahapon, October 20, para sa kanilang reunion dance concert.

Present din sa naganap na mediacon sina Danilo Barrios, Chris Cruz, Joseph de Leon, Meynard Marcellano, Nicko Manalo at Joey Andres. Hindi naman nakaabot sa presscon sina Spencer Reyes, Michael Sesmundo at Sherwin Roux na manggagaling pa sa iba’t ibang bansa.

Baka Bet Mo: Cristy Fermin isiniwalat ang dahilan kung bakit nawala sa Streetboys si Yexel Senatian

Naroon din ang manager ng Streetboys na si Direk Chito Roño na all-out pa rin ang support sa kanyang mga anak-anakan.

Pahayag ni Jhong sa mahigit tatlong dekada ng Streetboys, “Yung saya ko ay sobra-sobra kasi for 31 years, ngayon lang namin naisip magkaroon ng reunion although hindi pa nabubura ang number namin sa kalendaryo na 31.

“At least nakapag reunion kami at nagkasundo-sundo yung mga oras. Meron kasi kaming kasama na apat na OFW, sina Joseph, Spencer, Michael and Sherwin. Nasa iba’t ibang bansa sila and nagtugma ang schedule namin.


“So, sabi namin ni Kuys Vhong, this is the time na itinuloy na namin ang reunion. Hindi na kami bumabata and gusto rin naman na magbigay ng pasasalamat para sa lahat ng sumuporta sa The Streetboys since Day 1. Magandang regalo namin ito sa kanila,” sey pa ng actor-TV host.

Para naman kay Vhong, “May halong saya at lungkot ang reunion namin kasi after 31 years mangyayari na nga. Yung lungkot naman is kung bakit 31 years ngayon lang naisip? Pwede naman mas maaga, di ba?”

“Sa rehearsals nararamdaman namin yung sakit ng likod, eh. Ha-hahaha! Pero ang sarap lang isipin na sa loob ng 31 years with direk Chito Roño wala po kaming kontrata.

“Verbal lang na gagawin niya ang The Streetboys. Sa loob ng 31 years, magkakasama pa rin kami ngayon. Usap lang po yun,” rebelasyon ni Vhong.

Ayon pa sa “It’s Showtime” host, with Direk Chito talaga ang isa sa mga dahilan kung bakit solid na solid pa rin ang Streetboys hanggang ngayon.

“Yung pagtayo sa amin ni Direk Chito bilang tatay-tatayan, lumampas na rin at naging lolo-lolohan na rin. Yung mga anak namin parang mga apo niya na rin.

“Halos magkakasama pa rin kami pag Pasko at Bagong Taon. Kapag meron ding birthdays. Ganu’n siya nagtitiis sa amin at sumusuporta sa amin,” ani Vhong.

Pinuri naman ni Direk Chito ang kanyang mga anak-anakan, “I’m very proud na walang sinayang ang buhay sa kanila. May disiplina sila sa sarili.

“Nagkakamali rin paminsan-minsan pero bumabangon naman muli. Meron silang determinasyon at seryoso sa buhay,” sey pa ng blockbuster at award-winning director.

Todo naman ang pasasalamat ng grupo sa producer ng kanilang reunion concert na si Ogie Alcasid ng A-Team dahil sa ibinigay na tiwala at pagsugal sa kanila.

“Sa daming taon na nagdaaan, parang walang nagtiwala na kaya pa namin. Kaya, ito po, patutunayan namin na kaya pa rin namin,” ani Vhong.

Mabibili na ang tickets para sa “SB90s The Streerboys Reunion Dance Concert” na magaganap sa November 8, sa Ticketnet Online at A-Team office.

Read more...