Marco na-hurt nang tawaging boldstar, inalala ang love scene kay Gretchen

Marco na-hurt nang tawaging boldstar, inalala ang love scene kay Gretchen

Marco Sison

INALALA ng OPM icon na si Marco Sison ang ginawa nilang love scene noon ni Gretchen Barretto sa pelikulang “Beautiful Girl”.

Ipinalabas ito noong 1990 under Seiko Films mula sa direksyon ni Laurice Guillen kung saan nakasama rin sina Romnick Sarmenta, Raul Zaragosa, Isabel Rivas, Michael Locsin, at Janet Arnaiz.

Sa mga hindi pa aware, noong kasagsagan ng singing career ni Marco ay naging artista rin siya at pumirma nga ng kontrata sa Seiko Films na pag-aari ni Robbie Tan.

“Build-up contract ang kontrata ko noon. Kaya lang kasi, iba naman yung…iba naman yung trend noong araw. Bold. E, wala namang bold na ngayon, di ba?

“Everybody’s naka-bikini, naka-two-piece. Maski mga lalaki, topless. Hindi na tinatawag na bold. Wala nang tawag na ganu’n. But before, ganu’n,” ang kuwento ng singer-songwriter sa presscon ng major concert nila ng kapwa OPM legend na si Rey Valera, na may titulong “Ang Guwapo at ang Masuwerte.”

Baka Bet Mo: Liza Soberano minumulto ng yumaong young actor na si AJ Perez?

Patuloy pa niya, “Hindi ko mapanindigan yung ganu’n, e. Yung in-offer sa akin noon, last offer, third picture ko with Seiko, Sumayaw Ka, Salome ang title.

“E, sabi ko sa manager ko, ano na lang, ‘Kakanta na lang ulit ako!’” natawang sey ni Marco.

“May bed scene kami ni Gretchen. May kissing scene. Up to now, hindi ko pa napapanood yun. Kasi sabi ng mga barkada ko, ‘Mas magandang tingnan kung may hawak kang mic!’


“Parang ang sagwa, hindi sila sanay, ganu’n siguro. So hanggang ngayon, hindi ko siya pinapanood.

“May mga scenes na pinanood ako. Kasi ang ganda naman nu’ng… choreographed yun, e. Ano lang, and then, meron akong isang guesting sa Music Museum.

“I remember this, talagang very clearly na sabi, ‘Now ladies and gentlemen, the next performer is a singer turned bold actor!’ Sumama ang loob ko noon. Naapektuhan ako noon. Sabi ko, ayoko nang mag-artista!” pahayag pa ng veteran singer.

Sabi pa niya, “Ayoko na! So, hindi ako sinuwerte sa pag-aartista. Siguro kung nagtiyaga ako, puwede naman. Pero mas love ko ang singing. Kasi yun ang comfort zone ko. Actually, yung acting, hindi ako komportable doon.”

Samantala, handang-handa na sina Marco at Rey sa concert nilang “Ang Guwapo at ang Masuwerte” na magaganap sa November 22, sa Music Museum, Greenhills, San Juan City.

Produced by Echo Jham Entertainment ni Ms. Mhae Sarenas, marami raw bonggang pasabog sa concert sina Marco at Rey.

Read more...