AMINADO si Sen. Bong Revilla, Jr. na ang naganap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair nitong nagdaang Linggo ay unang beses na nangyari para sa mga taga-industriya ng pelikulang Pilipino.
Pero ayon sa aktor-politiko, matagal nang ginagawa ng administration ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsasagawa ng mga ganitong uri ng serbisyong-gobyerno para sa kanilang “Bagong Pilipinas” advocacy.
Aniya, “Sabi ko nga, sa pag-ikot ko sa buong Pilipinas, ito ang napapanahon na pantulong sa ating mga kababayan.
“Kaya itong Serbisyo Fair na ito na gobyerno mismo ang lumalapit sa tao, hindi ang tao ang lumalapit sa gobyerno.
Baka Bet Mo: 15,000 movie workers nakinabang sa P75-M budget ng gobyerno
“Isantabi muna ang pulitika. Isipin natin kung paano natin matulungan ang ating mga kababayan na katulad ng mga kapatid ko ngayon dito sa ating harapan. Yan ang dapat na bigyan ng solusyon.
“Halos 60 ahensya ng gobyerno na dinadala, para yung gobyerno na mismo ang lumalapit sa tao. Hindi na yung tao yung lumapit sa gobyerno.
“Yung sa DOLE, lahat yan, yung passport, NBI clearance, police clearance, Philhealth, lahat yan. Napakalaking bagay nito.
“Kaya naisip ko na sana may ganito rin sa film and TV industry, kaya tinanong niya ito kay Speaker Martin Romualdez. Tuwang-tuwa ako, ang sarap ng pakiramdam.
“Kaya nu’ng binanggit sa akin, babanggitin ko sana sa kanya, ‘Speaker, sana matulungan din natin yung mga taga-industriya.’
“Alam mo ang sagot sa akin, ‘Inaayos na namin yan.’ Natuwa ako, na ganu’n sila, pino-programa na nila lahat. Bawat sector, I’m so happy,” sabi pa ng senador.
At dahil nalalapit na ang May, 2025 eleksyon ay may mga batikos na raw pero para kay Sen. Bong ay dedma muna sila rito dahil ang pagtulong muna ang kanilang uunahin.
Hindi maiiwasang isipin ng iba na may kinalaman sa politika ang naganap na event.
Bagong Pilipinas ang pangalan ng partido ng kasalukuyang administrasyon at karamihan ng mga dumalo sa pagtitipon ay tatakbo sa 2025 elections.
Anyway, nagulat at natuwa si Sen. Bong nang pagbaba niya ng entablado ay may sumalubong sa kanyang matatanda na at naka-wheelchair pa ang isa na nakasama niya pala sa pelikula niya noon.
“Sa totoo lang talagang nakakapangilabot, lalo na nu’ng nakita ko, akala ko nawala na yung legman ko, yung first legman ko sa pelikula, si Danny Labo, yung tao ni Direk Carlo J. Caparas. ‘Wow! Buhay ka pa pala!’ Tapos yung mga stuntmen na nakasama ko dati,” saad ni Sen. Bong.