“BATO-BATO sa langit, ang tamaan…sapul!” Iyan marahil ang nais ipagsigawan ni Gardo Versoza sa isa niyang social media post patungkol sa politika sa Pilipinas.
Matapang na ibinahagi ng aktor sa kanyang Instagram page ang isang artcard kung saan nakasulat ang panawagang, “No to Political Dynasty.”
Ipinost ito ni Gardo noong kasagsagan ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC) ng mga artista sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno para sa 2025 midterm elections.
“Huwag ninyong gawing NEGOSYO ng PAMILYA at gawing bisyo ang PAGNANAKAW sa Gobyerno!” ang nakalagay pa sa post ni Gardo.
Baka Bet Mo: Jose Mari Chan dapat na nga bang hiranging National Artist?
Marami ang nag-react sa hugot ng beteranong aktor hinggil sa politika sa bansa at karamihan ay naniniwalang may pinatatamaan siya patungkol dito.
Narito ang ilang reaksiyon ng mga netizens sa makahulugang post ni Gardo sa Instagram.
“Depende po pero kung pamilya robredo,santos-recto at hontiveros susuportahan ko yan! Para Mas dumami pa ang totoong lingkod bayan.”
“Dipende king marami nagagawa at naitutulong why not kahit buong angkan pa nila basta may mabuting intensyon at ginagawa.”
“Pakapalan na lang po ng mukha sa pulitika!! Nakakasuka na ang sistema ng gobyerno.”
“Good retirement plans for them tuloy ang happy living. Congrats sa kanila, sana gising gising na din tayo botante. Tayo din kawawa.”
“Dami pa din obob nq pilipino nakakairita lang bakit paulit ulit silang binonoto tapos magrereklamo ang hirap ng buhay dahil din sa kanila kaya naghihirap karamihan sa atin lahat tayo may partisipasyon kaya sa huli lagi ang pagsisisi.”
Nauna rito, may post din si Gardo kung saan makikita ang litrato ni Mang Dolphy at ang naging sagot nito nang matanong kung hindi na niya kailanman binalak na pumasok sa politika.
Sa interview ng “Kapuso Mo Jessica Soho” sa Hari ng Komedya noong nabubuhay pa ito ay sinabi nitong may kinatatakutan siya sakaling tumakbo, at lalo na kapag nanalo pa siya.
“Doon nga ako natatakot, kasi baka manalo ako. Kung talagang papasok ako riyan, talagang magsisilbi ka sa bayan. Kung mapapabayaan ko, huwag na,” sagot ng Comedy King.
Ito naman ang inilagay na caption ni Gardo sa kanyang IG post, “Sa mga tatakbo sa 2025 lalung lalo na ang mga artista at sports icons, dapat bang maging gabay ang sinabi ni Dolphy?”
Sumakabilang-buhay si Dolphy noong July 10, 2012 sa edad na 83 “due to multiple organ failure and the complications brought about by severe pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary disease and acute renal failure.”