ISA kami sa mga adik na adik sa classic Pinoy meryenda na binatog na kadalasang inilalako sa kalye tuwing hapon.
Sa mga hindi pa masyadong aware, ang binatog ay gawa sa pinakuluang butil ng mais na binubudburan ng asukal at kinayod na niyog na may asin.
Nabanggit namin ito dahil may isang success story ang isa nating kababayang OFW na sinuwerte at nakapagpatayo ng sariling niyang bakeshop.
Siya ang dating waiter sa Pilipinas na si Darwin Garcia, taga-Gapanz, Nueva Ecija, na nakipagsapalaran sa United Arab Emirates (UAE) para makamit ang mga pangarap niya para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Baka Bet Mo: Liza Marcos nagpasalamat sa donasyon ng UAE para sa nasalanta ni Carina
Isang college undergrad si Darwin at ang una niyang naging trabaho sa UAE ay ang pagiging gym receptionist.
Sa ulat ng GMA Integrated News, naisipan ni Darwin ang magtinda ng binatog doon matapos makita ang kasabikan ng mga kapwa Pinoy na makalafang ng classic Filipino food.
“Nakita ko ang demand for classic Filipino foods dito sa UAE and yung pagiging unique at quality ng product namin na kami lang ang meron.
“Except sa maganda ang kita, masaya kami na nailapit namin sa mga OFWs ang mga pagkain na sa Pinas lang nila dati natitikman,” pahayag ni Darwin sa naturang panayam.
Nakatulong ni Darwin sa kanyang negosyo ang kanyang asawa at isang anak, “Malakas po ang sales ng binatog dahil po kami lang meron nito dito and authentic po talaga. Galing Philippines po ang mais na gamit namin.
“Nagkaroon kami ng pamilya ko ng sariling bahay at lupa, at sasakyan,” pagbabahagi pa ng matagumpay na OFW.
Kamakailan lamang ay nagbukas na rin sina Darwin ng branch kanilang bakeshop sa Sharjah, malapit sa Dubai, “We have plans to open other branches across the emirates in the UAE.”
Taong 2010 nang magpunta sa Dubai si Darwin gamit ang visit visa at doon daw siya nagsimulang magtinda ng binatog online.
“That time po, wala pang binatog sa Dubai. So, we tried selling online and ang dami pong orders kaya nagtuloy-tuloy na hanggang sa magkaroon kami ng shop,” ani Darwin.
Kuwento pa ni Darwin, sa unang tindahan ni Darwin ng binatog noong 2021 at lima lamang ang kanyang staff na mga OFW mula sa Satwa. Bukod sa binatog, nagtinda na rin sila ng buko pie, at iba pang classic Pinoy foods.