ISA na namang taxi driver ang nagpatunay na meron pa rin talagang mga tao sa Pilipinas na mabubuti ang kalooban at hindi gahaman.
Hindi nag-atubiling isauli ng taxi driver na si James Palma, ang perang naiwan ng kanyang mga pasahero sa minamanehong sasakyan.
Naisakay ni James ang mag-asawa sa kanyang taxi noong September 23, mula sa isang ospital sa General Luna Street sa Iloilo City dakong 10 a.m..
Base sa panayam sa kanya ng GMA Regional TV kamakailan, nagpahatid daw ang mga pasahero sa Iloilo Central Market.
Pagkababa umano ng mag-asawa mula sa kanyang sasakyan ay naghanap agad siya ng mga bagong pasahero sa naturang lugar. Nang mapalingon siya sa likuran ng taxi ay nakita niya ang itim na bag doon.
Kinuha niya ito at binuksan kung saan nakita niya sa loob ang lamang P200,000 na cash. Dito na nga nagdesisyon si James na hanapin ang kinaroroonan ng mag-asawa.
Dahil sa kanyang effort, ay natagpuan din ng driver ang mga may-ari ng bag nu’ng hapong iyon at naibalik sa kanila ang laman nitong pera.
Siyempre, todo ang pasasalamat ng mag-asawa kay James dahil sa pagiging honest nito. Marami nga naman kasing tao ngayon na pag-iinteresan na ang mga napupulot nilang mga gamit at pera.
Sa panayam kay James, sinabi nito na palagi niyang isinasauli ang mga naiiwang gamit ng mga pasahero sa kanyang taxi, maliit man ito o malaki. Mas importante pa rin sa kanya ang kabutihan ng loob at pagiging matapat kesa sa kahit anong halaga ng pera.
“Baka hindi na po ako makakahingi sa Diyos ng magandang kalusugan kung may bagabag sa dibdib ko,” aniya.
Basta ang palagi lamang niyang ipinagdarasal sa Diyos ay ang kanyang kalusugan at ng pamilya niya para patuloy siyang makapagtrabaho.
Samantala, naikuwento rin ni James ang sinabi sa kanya ng mag-asawa na gagamitin pala ng mga ito ang ibinalik niyang P200,000 sa pagpapa-confine sa ospital ng isa sa mga ito.
Kasunod nito, inanyayahan din daw siya ng mag-asawa sa kanilang bahay sa Pavia para personal siyang pasalamatan.