PORMAL nang inihayag ng dating gobernador ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson, ang kanyang kandidatura sa Senado para sa Eleksyon 2025.
May matinding pagtutok si Singson sa modernisasyon ng sistema ng transportasyon ng bansa at pagbibigay ng tulong sa mga jeepney drivers.
Isa sa mga pangunahing proyekto ni Singson ay ang pagtatayo ng planta ng electric jeepney sa Batangas, na inaasahang magbubukas sa 2025, na isang hakbang pasulong para sa mas makabago at sustainable na sistema ng pampublikong transportasyon.
Baka Bet Mo: Chavit kay Carlos: Kausapin mo pamilya mo, ‘wag mo na silang pahirapan
Ang mga electric jeepney ni Singson ay may kapasidad na magsakay ng 28 pasahero sa isang malamig at komportableng biyahe, na magbibigay hindi lamang ng mas maayos na serbisyo sa publiko kundi mas mataas na kita rin para sa mga drivers.
Bagamat moderno, idinisenyo pa rin ang mga jeepney na ito na may aspeto ng tradisyunal na jeepney upang mapanatili ang bahagi nito sa kulturang Pilipino.
Ang kakaiba sa inisyatibong ito ni Singson ay ang kanyang plano na gawing madali at abot-kaya ang mga electric jeepney sa pamamagitan ng isang napakagaan na financing scheme.
Walang kailangang down payment, walang kolateral, at walang interes ang hinihingi sa mga driver, bagay na ikinagagalak ni Singson na siya lamang ang kayang magbigay.
Layunin nitong tulungan ang mga driver na mapagaan ang kanilang mga gastusin habang nasasabayan ang pag-usbong ng makabagong transportasyon.
Naniniwala si Singson na ang kanyang plano ay hindi lamang magpapadali sa buhay ng mga driver kundi makakatulong din sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbawas sa polusyon sa hangin at pagsugpo sa problema ng trapiko sa mga lungsod.
Ang kanyang plataporma ay nakatuon sa pagtataguyod ng isang balanseng solusyon na makikinabang ang lahat – mga driver, ang mananakay, at ang kapaligiran.