IBINANDERA na ng ating pambato na si Ahtisa Manalo ang kanyang reaksyon matapos koronahan ang kauna-unahang reyna ng Miss Cosmo pageant.
Paalala niya sa Instagram Broadcast Channel, dapat panatilihin ang pagiging positibo at itaguyod pa rin ang “spirit of women empowerment.”
Sinabi rin niya na dapat iwasan ang pamba-bash at ipagdiwang na lamang ang pagkapanalo ni Ketut Permata Juliastrid ng Indonesia.
Magugunitang natapos ang Miss Cosmo journey ni Ahtisa sa Top 10 finalist na kung saan inirampa niya sa evening gown competition ang nude at galaxy-inspired gown na gawa ng fashion designer na si Mak Tumang.
“Hi loves! Let’s remember that everything won’t always go our way,” bungad niyang mensahe sa fans.
Baka Bet Mo: Chelsea Manalo: ‘Ilalaban natin ang pang-limang korona sa Miss Universe!’
Patuloy ng Pinay beauty queen, “But what defines us is how we react and act. Let’s focus on the positive things!”
“Spread love only,” aniya pa.
Nabanggit niya rin na very happy siya sa nagwaging Miss Cosmo 2024 na si Ketut.
“Let’s keep the spirit of women empowerment and celebrate Tata for her win,” wika niya sa broadcast channel.
Bukod sa pagiging Top 10, nakuha ni Athisa ang mga parangal na “Cosmo Tea Culture Tourism Ambassador” at “Cosmo People’s Choice.”
Kung matatandaan, siya ang itinanghal na first runner-up sa 2018 Miss International competition na ginanap noon sa Japan.
Siya ang naging pambato ng Pilipinas sa Miss Cosmo pageant matapos siyang hiranging second runner-up sa 2024 Miss Universe Philippines noong Mayo.