ALINSUNOD sa kanyang adbokasiya para kalingain ang kapakanan ng mga mangingisda ng bansa, pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan sa mga mamamalakaya ng Sta. Cruz, Zambales.
Kasama sa mga ipinamahagi ng senador nitong nagdaang Huwebes ang 10 fiberglass reinforced plastic boats (FRPB) sa pakikpagtulungan ng Department of Labor and Employment, Bureau of Fisheries (BFAR), at ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Alkalde Consolacion Marty.
Nanguna rin si Tolentino sa pamamahagi ng sahod para sa mga benepisyaryo ng tulong panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ang emergency employment program ng DOLE.
Baka Bet Mo: Yeng Constantino, Yan Asuncion nakapagpatayo na ng beach house sa Zambales: ‘May pagka-kurips po talaga kami’
Ang mga benepisyaryo ay binubuo ng mahigit 500 mangingisda na sinalanta ng Bagyong Carina noong Hulyo.
“Nawa’y makatulong ang fiberglass boats na ito sa inyong paghahanap-buhay. May kasama itong marine engines at mga accessory tulad ng transponders na tutulong magsisiguro sa inyong kaligtasan.
“Ito’y para ma-monitor ng mga awtoridad ang inyong lokasyon kapag kayo’y nasa laot, at para makapagpadala ng tulong sa inyo sa panahon ng pangangailangan,” ani Tolentino.
Para sa mga benepisyaryo ng TUPAD, umaasa ang senador na makatulong nang mabuti sa kanilang pamilya ang halagang kanilang matatanggap.
Bilang pagtatapos, ibinahagi ni Tolentino ang kanyang planong itulak ang isang programa kung saan makakatanggap ng suporta mula sa gobyerno ang mga biktima ng sakuna para makapagbayad sa kanilang basic utilities.
Aniya, layunin ng panukala nyang tatawaging LITAW (Liwanag, Internet, Kuryente Assistance Welfare) na matulungan ang mga biktima ng sakuna para unahing paglaanan ang pagpapagawa ng kanilang nasirang bahay, kaysa unahing ang pagbabayad ng utility bills para di sila maputulan ng serbisyo.
Magugunita na nauna nang nagtungo ang senador sa iba’t ibang lokalidad sa Zambales para makipag-diyalogo sa mga komunidad ng mga mangingisda na naapektuhan ng fishing ban ng China sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Si Tolentino ang namumuno sa Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones.