Jillian, Carmina nagkaiyakan sa presscon ng ‘Abot-Kamay Na Pangarap’

Jillian, Carmina nagkaiyakan sa presscon ng 'Abot-Kamay Na Pangarap'

NAGKAIYAKAN ang mga cast members ng hit Kapuso afternoon series na “Abot-Kamay Na Pangarap” sa naganap na finale presscon ng programa nitong nagdaang Miyerkules.

Hindi napigilan ng lead stars ng serye na sina Jillian Ward at Carmina Villarroel, pati na rin ng iba pa nilang kasamahan ang maluha sa harap ng entertainment media habang sinasagot ang ilang tanong sa presscon.

Huling tatlong linggo na ng award-winning GMA medical drama simula next week kaya naman mixed emotions ang nararamdaman ngayon ng buong cast pati na ng lahat ng production staff.

Ayon kay Carmina na ilang beses natigilan sa pagsasalita dahil sa pag-iyak, magkahalong saya at lungkot ang napi-feel niya sa upcoming finale ng “AKNP.”

“Maraming salamat po. Gusto kong pasalamatan talaga isa-isa. Sorry po ah, hindi ko talaga mapigilan ang (maging emosyonal)…” ani Mina na tuluyan nang napaiyak.

Baka Bet Mo: Korean Oppa Kim Ji-soo hindi suplado, sey ni Jillian: Laban lang!

Sey pa ng Kapuso actress at TV host, naiiyak siya dahil pamilya na ang turingan ng buong production sa “Abot-Kamay Na Pangarap” na nakasama niya sa loob ng dalawang taon.

At sa pagtatapos nga ng kanilang programa ay wala silang gustong ipahatid sa lahat ng manonood kundi walang hanggang pasasalamat sa pagsama sa kanila mula nang mag-start ang kanilang serye.

Para naman kay Jillian, forever niyang ite-treasure ang lahat ng naging experience niya maituturing na ngayong longest running afternoon teleserye ng GMA.

“Ang laki po kasi ng impact ng Aboy-Kamay na Pangarap sa akin. Ang dami ko pong natutunan bilang isang artista at bilang isang tao.

“Four times a week ko po silang kasama. Sabay-sabay po kaming kumakain ng breakfast, lunch at dinner. Sama-sama po kami.

“Kapag kailangan ko po ng advice, nalalapitan ko po ang isa sa kanila. Lahat po ‘yun, mami-miss ko,” umiiyak na sabi ni Jillian.

After ng “AKNP” kung saan gumaganap siya bilang si Analyn Santos, ang youngest doctor sa Pilipinas, may naiisip na ba siyang karakter na gusto niyang gampanan sa next project niya sa GMA?

“Ako po kasi, competitive po ako sa sarili ko. Gusto ko pong higitan palagi ang sarili ko. Iniisip ko po kung ano po ang pwede kong gawing next.

“Pero, ang importante po ngayon, kung ano po ang magiging next project ko ay gagawin ko po ang best ko,” ani Jillian.

Pero ang gustung-gusto niyang gawin after ng kanilang serye ay ang makapagbakasyon kasama ang kanyang pamilya.

“Kasi po, mas madalas ko pa pong kasama ang family ko sa Abot Kamay, kaya po ang gusto ko po, makasama ko po sila. Kahit po siguro sa bahay lang, basta kasama ko po sila.

“Ito po kasing show na ito, idine-dedicate ko siya sa late grandmother ko,” ani Jillian na maluha-luha pa rin sa pag-alala sa kanyang lola.

Patuloy na tutukan ang hit GMA medical drama series na “Abot-Kamay Na Pangarap” tuwing Lunes hanggang Biyernes, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.

Read more...