MARAMI na palang producer ang lumalapit sa kampo ni Pastor Apollo Quiboloy para isapelikula ang kanyang makulay at masalimuot na buhay.
Sa katunayan, may ilang pangalan na raw ang ibinigay sa leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) para pag-aralan at makapili kung sino talaga ang gusto nitong bumida sa kanyang life story.
Nakachikahan namin kahapon ang isa sa mga kaibigan ni Pastor Quiboloy na si Atty. Mark Tolentino, ang Anti-Fake News Task Force National President ng Kapisanan ng Social Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI).
Kasabay nito ang announcement ng KSMBPI sa pamamagitan ng founder at chairman nitong si Dr. Mike Aragon tungkol sa pagsisimula ng shooting ng kanilang first ever advocacy series na “WPS” o “West Philippine Sea.”
Baka Bet Mo: Ogie sa sex life nila ni Regine: ‘Ang sabi ng pastor namin, sa mag-asawa, kailangan at least 4 times a week’
Dito nga namin siya natanong kung tuloy pa ba ang pagsasapelikula ng buhay ng kontrobersyal na KOJC leader at kung sinu-sino ang lumapit sa grupo ng pastor para sa naturang proyekto.
Ayaw na niyang magbanggit ng mga pangalan pero sa pagkakaalam niya ay marami ang kumakausap sa mga taong malapit kay Quiboloy para makuha ang rights ng kanyang life story.
Willing naman daw ang sumukong pastor na isalin sa pelikula ang kanyang buhay pero baka raw hindi pa ito mangyari very, very soon.
Kuwento pa sa amin ni Atty. Tolentino, may 10 pangalan daw na ibinigay kay Quiboloy na pwede niyang pagpilian para gumanap sa kanyang biopic.
Kabilang na nga raw diyan ang mga veteran actors na sina Roi Vinzon, Rey “PJ” Abellana at ang malapit na kaibigan ni Quiboloy na si Sen. Robin Padilla.
Ang kuwento ay iikot daw mula sa pagkabata ng pastor hanggang sa harangin siya bilang religious leader hanggang sa mga pagsubok na kanyang pinagdaanan.
Hindi lang kami sure kung iba pa ito sa napabalitang gagawin ng Borracho Film Production ni Atty. Ferdie Topacio, na isa sa mga legal counsel ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang panayam kasi ay nasabi ni Atty. Topacio na nagkasundo na raw silang isapelikula ang kuwento ng buhay ng kontrobersiyal founder ng Kingdom of Jesus Christ.
Ang first choice daw nilang gumanap as Pastor Quiboloy ay si John Lloyd Cruz habang ang magdidirek nito ay si Lester Dimaranan.
Sey ni Atty. Topacio, “Ang tina-tap namin si John Lloyd. But we’re still negotiating. Either, second choice is Jericho Rosales or si Piolo Pascual. Puwede rin si Gabby Concepcion. But we’re just developing pa lang, e. Sa pre-prod pa lang,” pahayag ni Topacio.
Samantala, ngayong araw na magsisimula ang shooting ng advocacy series ng KSMBPI na “WPS” na pinagbibidahan ng Vivamax stars na sina Ayanna Misola, AJ Raval, Aljur Abrenica, ang magkapatid na Rannie at Lance Raymundo, Massimo Scofield, Daiana Menezes, Mary Trego, Ali Forbes, Jacqy Raj at marami pang iba.
Ipinasilip sa amin ni Doc Mike ang teaser video ng serye kung saan napasabak sa matinding training ang ilan sa cast members para sa kanilang action at fight scenes.
Ayon pa sa KSMBPI chairman, maituturing na bagong bayani ang lahat ng artistang kasali sa “WPS” dahil hindi sila tumanggap ng talent fee.
Naniniwala ang cast members ng serye na worth it ang pagtanggap nila sa makabuluhang proyekto na mula sa direksyon ni Karlo Montero kung saan ibabandera ang mga tunay na kagapanan at buhay ng mga mangingisda at sundalong Pinoy sa West Philippine Sea.
Ipalalabas ang “WPS” sa ilang TV stations at streaming platforms tulad ng Viva One at sa DZRH TV and Radio. Posible rin itong mapanood sa Netflix.
At in fairness, may soundtrack din ang serye, ang “Retake WPS” kung saan nakapaloob ang isa sa theme song nitong “Huwag Mong Palampasin” na kinanta ng The CompanY.
Kamakailan naman ay nagpunta si Doc Mike at Atty. Tolentino sa tanggapan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, para gawing pormal ang public-private partnership ng Pasay City LGU at ng KSMBPI sa paggawa ng multi-sector Pasay City Anti-Fake News Task Force (PC–AFN-TF).