BIGO ang 80-year-old South Korean fashion model na masungkit ang titulo at korona sa katatapos lamang na Miss Universe Korea 2024.
Kung si Choi Soon-hwa ang nagwagi sa naturang national beauty contest, siya sana ang magiging pinakamatandang kandidata sa history ng Miss Universe pageant.
Suot ang kanyang beaded white gown, hindi rin naman nagpatalbog sa rampahan at awrahan si Choi Soon-hwa sa grand coronation night ng Miss Universe Korea na ginanap kahapon sa isang hotel sa Seoul.
Pero in fairness, hindi man siya ang kinoronahang reyna nang gabing yun, naiuwi naman niya ang “Best Dress” award.
Baka Bet Mo: Filo Swifties bigo sa inilabas na ‘Eras Tour’ schedule, kinalampag si Taylor Swift
Ang 22-year-old fashion school student na si Han Ariel ang nagwagi sa naturang beauty pageant. Siya ang magiging official representative ng South Korea sa Miss Universe 2024 na gaganapin sa Mexico City ngayong darating na November.
Sa isang panayam naman kay Choi, nabanggit nito na isa siyang dating hospital care worker na nagsimula sa kanyang modeling career noong dekada 70.
“Even at this age, I had the courage to grab onto an opportunity and take on a challenge,” ang sabi ni Choi sa isang interview bago maganap ang pageant.
Aniya pa, “I want people to look at me and realize that you can live healthier and find joy in life when you find things you want to do and challenge yourself to achieve that dream.”
Dito naman sa Pilipinas, sinubukan din ng senior citizen na si Jocelyn Cubales o Joyce Peñas Pilarsky, ang sumali sa Miss Universe Philippines 2024.
Isa siya sa naging 15 candidates sa Miss Quezon City 2024 kung saan ang mananalo ay siyang magiging bet ng QC sa Miss Universe Philippines 2024.
“Everything is changing. Tingnan mo yung rules ng Miss Universe. Did I ever imagine na one day magtse-change sila ng rules? Maiisip mo ba yun, na mag-70 na ako this year and I could still join this contest? Before, up to 28 years old lang ang age limit. Nothing is impossible now,” aniya.