‘Julian’ 5 araw magpapaulan; LPA, bagyo sa labas ng bansa binabantayan

'Julian' 5 araw magpapaulan; LPA, bagyo sa labas ng bansa binabantayan

PHOTO: Facebook/Dost_pagasa

MAY bagyo ulit na magpapaulan sa ating bansa hanggang sa mga susunod na araw.

Naging Tropical Depression na kasi ang Low Pressure Area (LPA) sa Luzon at ito ay pinangalanang “Julian,” ang ika-sampung bagyo para sa taong 2024 at pang-anim naman para sa buwan ng Setyembre.

Ayon sa 5:00 a.m. update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa layong 525 kilometers silangan ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas na hanging 55 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 70 kilometers per hour.

Kasalukuyan itong kumikilos pa-timog sa bilis na 15 kilometers per hour.

Baka Bet Mo: Senado hinimok na aprubahan na ang Medical Cannabis Bill

Nabanggit ni Weather Specialist Benison Estareja na ang bagyo ay inaasahang mananatili sa loob ng ating teritoryo ng hanggang limang araw.

“Base sa latest track ng PAGASA, inaasahang mananatili sa loob ng PAR (Philippine Area of Responsibility) sa may North Philippine Sea itong si Tropical Depression Julian sa susunod pa na at least limang araw,” sey ni Estareja sa isang press briefing ngayong araw, September 27.

Dagdag pa niya, “Possible within the next 24 hours, lumakas pa [ito] sa Tropical Storm at hindi natin inaalis ang tiyansa na [mas] lalakas pa ito as a Typhoon pagsapit po ng Monday or Tuesday.”

Sinabi rin ng weather specialist na maaaring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Cagayan Valley.

Bukod diyan, binabantayan din ng PAGASA ang dalawang weather disturbances sa labas ng bansa –isang LPA na malapit sa boundary ng Luzon at isa pang bagyo na nasa parteng Guam.

Gayunpaman, pagtitiyak ng weather bureau: “None of them ay papasok ng ating Philippine Area of Responsibility at makakaapekto sa anumang panig ng ating bansa.”

Para sa araw na ito, ang Bagyong Julian ay magpapaulan sa Ilocos Norte, Apayao, Batanes, Cagayan including Babuyan Islands, at Isabela.

May isolated rainshowers naman sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Read more...