SUMUKO na sa mga awtoridad ang PBA player na si John Amores matapos mamaril ng nakaaway na seaman nang dahil sa basketball.
Nahaharap sa kasong attempted murder ang Northport player dahil sa pagtatangkang patayin umano ang biktimang si Lee Cacalda nang magkapikunan habang naglalaro ng basketball sa Lumban, Laguna kahapon, September 26.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Lumban police, nagkainitan ang dalawa habang naglalaro ng basketball sa isang court sa Barangay Salac, Lumban.
Naawat naman daw ang suspek at ang biktkma pero nagkahamunan nga magsuntukan sa Barangay Maytalang Uno.
Naunang umalis ang PBA player sakay ng motorsiklo kasama ang kanyang kapatid saka sumunod sa kanya ang nakamotorsiklo ring biktima.
Baka Bet Mo: Vhong sumuko sa NBI matapos lumabas ang warrant of arrest sa kasong acts of lasciviousness na isinampa ni Deniece
Nang pababa na umano sa kanyang motorsiklo si Cacalda ay bigla na lang siyang pinaputukan ni Amores gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Sa kabutihang-palad ay hindi tinamaan ang biktima habang agad na umalis si Amores sa pinangyarihan ng insidente kasama pa rin ang kapatid.
Base naman sa CCTV footage na nakalap ng mga pulis, naganap ang pamamaril sa National Road ng Barangay Maytalang Uno kung saan maraming bystander ang nakasaksi.
Sa ulat naman ng “Unang Hirit”, magkasamang sumuko ang magkapatid na Amores sa Lumban Police kaninang madaling-araw dahil daw sa mga natatanggap na pagbabanta sa kanilang buhay.
Tumanggi namang magbigay ng anumang pahayag ang mga suspek hinggil sa insidente.
Matatandaang noong 2022 ay nasangkot din sa kontrobersya si Amores nang manuntok ng mga kalabang player habang naglalaro sa NCAA kung saan naglaban ang kanyang team na Jose Rizal University kontra College of Saint Benilde.
Sinuspinde si Amores ngunit nabigyan pa rin ng second chance at nakapasok pa nga sa NorthPort team para sa 48th Season draft.