PARAMI nang parami ang nagdarasal para sa paggaling ng cardiologist at health advocate na si Dr. Willie Ong na patuloy na nakikipaglaban sa cancer.
Kahit matinding sakit at paghihirap ang nararamdaman ngayon ni Doc Willie dahil sa kanyang sarcoma o abdominal cancer ay napakapositibo pa rin ng kanyang pananaw sa buhay.
Alam ng dating vice presidential candidate na anumang oras ay pwede na siyang kunin ni Lord, pero sa kabila nito ay ipinagdarasal pa rin niya na pahabain pa ang kanyang buhay kung meron pa siyang misyon sa mundo.
“It’s 50-50. 50% to live a few more months, a year, 50% na anytime baka hindi na huminga,” ang pahayag ng doktor sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong nagdaang Linggo, September 22.
Patuloy na pagbabahagi ni Doc Willie, “Parang walang kasiguraduhan eh. Every day is a blessing. I just live every day. I don’t think of next month, next year.”
Aniya pa, grabe ang sakit na nararamdaman niya sa tuwing aatake ang kalupitan ng kanyang cancer at tinawag pa niya itong “the worst pain.”
“It’s 10 out 10. Buong gabi, hindi kami natutulog ni Doc Liza (asawa niya). Sigaw ako nang sigaw, hihiyaw ka sa sakit talaga,” pahayag pa ni Doc Willie.
Isa raw sa mga realization niya nang tamaan ng sarcoma cancer, “I think the purpose of this life is just to finish your mission.
“Nagkakaroon na ako ng visions before that time, I saw my mom who died two years ago, ‘Yung mommy ko sa dream ko, kinukuha na niya ako. She called me, ‘Willie Boy, come to me!’ Parang sabi ng nanay ko, you’ve done your job on earth,” sabi pa niya.
Kasalukuyang nasa Singapore ang doktor kung saan siya sumasailalim sa chemotherapy at iba pang treatment para sa sarcoma na inilarawan niyang “very rare and aggressive.”
“Nalungkot ako? Nu’ng una. Pero hindi eh, masaya na ako na basta may purpose pa ang Diyos.
“Pray na gagaling pero sabi ng doktor ko itong sarcoma ay mahirap na kalaban. Isa sa pinakamahirap na cancer na kulang ang research, kulang ang bagong gamot, medyo miracle dapat,” aniya pa.
Pero handa na raw si Doc Willie kung anuman ang maging resulta ng mga ginawang medical test sa kanya, “Kapag sinabing walang pag-asa, e ‘di tapos. That’s it pansit.”
Pagbabalik-tanaw pa niya sa mga pinagdaanang cancer treatment, “Dapat mamamatay na ako sa Philippines. I was sure I would be dead in 3 to 4 days kasi ang bagal ng healthcare natin. Grabe!
“‘Yong biopsy result, I have to wait 1 to 2 weeks. Dito (sa Singapore) biopsy nila, half day nandiyan na. I need a PET (positron emission tomography) scan. Ilan bang lugar sa atin ang may PET scan? Dito in one hour basado na,” aniya pa.