Jhai Ho, Ahwel Paz sanib-pwersa sa ‘Showbiz Sidelines’: GV-GV lang!

Jhai Ho, Ahwel Paz sanib-pwersa sa 'Showbiz Sidelines': GV-GV lang!

Ahwel Paz at Jhai Ho

NAGSANIB-PWERSA muli sina Ahwel Paz at Jhai Ho para ihatid ang mga maiinit na balita mula sa mundo ng showbiz, pati na ang mga kwento tungkol sa iba’t ibang raket ng mga celebrities sa “Showbiz Sidelines.”

Layunin ng “Showbiz Sidelines,” na umeere tuwing Lunes hanggang Biyernes 9 p.m. sa Radyo 630 at napapanood sa Teleradyo Serbisyo sa TV, na bigyan ang viewers ng “showbiz chika” at “showbiz kita”.

“Para magkaroon ng ibang flavor ‘yung programa, sinamahan natin ng side hustles. Very interesting na malaman ng viewers na ‘yung mga hinahangaan nilang mga artista ay meron din silang pinagkakaabalahan sa likod ng camera,” pahayag ni Papa Ahwel sa presscon ng “Showbiz Sidelines” kamakailan.

Baka Bet Mo: Mga sikat na online personalities nag-share kung bakit ngayon ang #BestTimeWithGlobe

Sey naman ni Jhai Ho, napakabongga ng working relationship nila ni Ahwel dahil maayos ang kanilang samahan noong nagkatrabaho sila dati.

“Maganda ‘yung naging foundation namin. One thing na talagang gustong gusto ko is before mag-start ‘yung programa, we make sure ni Papa Ahwel na mag-usap na dapat masaya lang, dapat GV (good vibes) lang tayo, kung may hindi tayo bet sabihin natin agad sa isa’t isa,” pagbabahagi ni Jhai Ho.


Natanong din ang dalawang host tungkol sa kanilang istilo sa pagre-report ng mga kaganapan sa showbiz at kung ano ang magiging treatment nila sa mga breaking stories, lalo na sa tinatawag nilang iskupan at unahan sa pagbabalita.

Sabi ni Jhai Ho, “For me, malaking bagay talaga na hindi ka laging nagmamadali na magpaputok ng isang issue. Mas okay na kumpleto muna ‘yung facts mo bago mo siya i-deliver para maging credible ka roon sa mga listeners mo.”

Para naman kay Papa Ahwel, mas okay kung makukuha agad ang side ng mga taong involved sa isyu o kahit ng kahit  resource person.

“Ang tendency natin kapag nakita natin ‘yung headlines tapos misleading, naniniwala na agad tayo without even reading kung ano ‘yung content para lang makakuha ng viewers and subscribers.

“Kailangan verified, we confirm facts, we have the power and authority to correct it on air, gagawin natin ‘yun. Kunin po natin ‘yung pinaka-resource person to clarify,” aniya.

Dagdag ni Jhai Ho, “Laging nagri-research, laging nagtatanong, at hindi lang naman kami ang totally last say. Kahit kami ‘yung nakakuha ng balita, mayroon kaming executive producer to check, ‘huwag ‘to masyadong sensitive ‘to.’


“Pwedeng tanungin din natin ‘yung kabilang side para hindi lang ‘yung side ng isa. Gusto namin sa programa balanseng-balanse kami,” sabi niya.

“Magbibigay kami ng opinyon namin or facts na mayroon kaming baon pero as much as possible, two sides of the story lagi, hindi pwedeng one-sided lang kami,” dugtong ni Jhai Ho.

Samantala, bukod sa “Showbiz Sidelines,” pwede ring tumutok ang mga manonood sa Radyo 630 at Teleradyo Serbisyo sa pagsimula ng kanilang umaga para updated sila sa mga balita.

Ilan sa mga programang pwede nilang abangan sa istasyon ang “Radyo 630 Balita” nina Sherrie Ann Torres at Johnson Manabat, “Gising Pilipinas” at “Teleradyo Serbisyo Balita” nina Alvin Elchico at Doris Bigornia, “Kabayan” ni Noli de Castro, “Balitapatan” kasama sina Peter Musngi at Rica Lazo, “Tatak: Serbisyo” kasama si Winnie Cordero, at “Headline Ngayon” ni Jonathan Magistrado.

Panoorin ang “Showbiz Sidelines” tuwing weekdays, 9 p.m. sa Radyo 630 (available sa Metro at Mega Manila) at Teleradyo Serbisyo (available nationwide sa digital boxes, Sky Cable at 183 cable providers nationwide).

Read more...