SA isang video na inilabas sa kanyang personal YouTube page, ibinahagi ni Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte ang saloobin sa kontrobersyal na isyu ng medical marijuana.
“Mabisa ang medical cannabis,” ani Villafuerte. Isa ang kongresista sa lead author ng HB 10439 o ang Medical Cannabis Bill na kamakailan lamang ay lumusot na sa Kamara pagkatapos ng ikatlo at huling pagbasa nito.
Ang panukalang batas na ito ay naglalayong pahintulutan ang paggamit ng cannabis o marijuana ng mga kwalipikadong pasyente para sa medikal na layunin.
Ipinaliwanag ni Villafuerte na itinulak niya sa mga nakaraang kongreso ang legalisasyon ng CBD dahil ang langis nito ay hindi nakaka-adik at naiiba sa
tetrahydrocannabinol (THC) na siyang nagbibigay ng “high” o “buzz” sa mga naninigarilyo o kumakain nito.
Baka Bet Mo: Yassi Pressman aminadong nag-uusap pa rin sila ng ex-fiancé, nasa ‘getting to know stage’ na with Luigi Villafuerte
“And because it is non-addictive, CBD oil has been proven safe for use by qualified patients as a painkiller or relaxant to alleviate their agonizing conditions like migraines, epilepsy, auto-immune diseases, multiple sclerosis and end-stage cancer,” dagdag ni Villafuerte.
Ibinahagi din ng kongresista na ang paggamit ng medical cannabis ay
“approved sa 60 bansa” at kanya ding isinusulong ang pag-apruba sa pagbubukas ng mga botika na magbebenta nito dito sa ating bansa.
Kasabay ng pagpasa ng HB 10439 ang paghimok ni Villafuerte sa mga senador na ipasa na din ang Senate Bill 2573 o ang Cannabis Medicalization Act of the Philippines ni Sen. Robin Padilla.
“What we only need now is for our senators to act on their counterpart measure, in the hope that we can come up with an enrolled bill for submission to, and enactment into law by, President Marcos this third and final session of the 19th Congress,” sey ni Villafuerte.
Ayon sa Harvard Health, ang medical marijuana ay limit na ginagamit sa pamamahala ng chronic pain, lalo na sa mga may multiple sclerosis o sa pananakit ng ugat.
Ito din daw ay epektibo sa paggamot ng pagduduwal na dulot ng chemotherapy at pagpapalakas ng gana sa pagkain ng mga taong may HIV o AIDS.
Ang video ni Villafuerte tungkol sa medical cannabis ay inilabas dalawang linggo na ang nakalipas at umani na ito ng higit 800,000 views.