Mura pinabayaan na ng mga kamag-anak, nanawagan

Mura pinabayaan na ng mga kamag-anak, nanawagan

HINDI napigilan ng datimg komedyanteng si Allan Padua o mas kilala bilang si Mura ang mapaiyak habang ibinabahagi ang kasalukuyang kalagayan.

Sa muling pagbisita sa kanyang vlogger na si Virgelyncares, naging emosyonal ang komedyante dahil tila tinalikuran na siya ng kanyang mga kamag-anak.

“Kapatid ko, pinabayaan na ako. Ganito na ‘yung sitwasyon ko,” lahad ni Mura.

Dagdag pa niya, “Kaming dalawa ni Papa, pinabayaan na.”

Baka Bet Mo: Mura 3 beses nang nasunugan: Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa…

Makikita na hindi na nga talaga maganda ang lagay ni Mura batay na rin sa naturang vlog ni Virgelyn.

Sa katunayan, habang kausap ng vlogger ang dating komedyante ay nadumi ito sa kanyang salawal habang nakatayo.

Ani Mura, noon raw na may pera pa siya ay nandyan ang kanyang mga kamag-anak at mabilis magsikilos para i-assist siya.

“Nung may pera ako, ganon mabibilis silang kumilos. E ngayon, wala na akong pambayad sa kanila. Pinabayaan rin kami,” malungkot na sabi niya.

Hindi na nga rin natapos ang ipinapatayo niyang bahay dahil nahinto ito noong magkaroon siya ng sakit.

Hindi naman nakaligtaan ng vlogger na magpaabot ng tulong pinansyal para kay Mura.

Nanawagan rin ito sa publiko na sana ay magpadala rin sila ng tulong para sa dating komedyante.

Matatandaang nitong May 2024 lang rin nang matupok ng apoy ang kanyang tirahan at pansamantala itong tumira sa waiting shed.

Samantala, marami naman ang humanga sa vlogger dahil kahit na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan noon ni Mura ay hindi ito nakakalimot na magpaabot ng tulong sa kanya.

Nagkaayos na rin naman ang dalawa noong muli silang magkita at nagpatuloy pa rin ang pagtulong ni Virgelyn sa komedyante.

Read more...