SINAMPAL ng biriterang singer na si Sheryn Regis ang customer na nanghipo sa kanya habang nagpe-perform sa isang hotel lounge.
Bago pa makilala si Sheryn sa entertainment industry at bansagang Crystal Voice of Asia ay nagtrabaho muna siya bilang singer and performer sa mga lounge ng hotel.
At inamin ni Sheryn na may mga nakakaloka rin siyang experience bilang singer sa mga hotel lounge, kabilang na riyan ang pambabastos ng mga lalaking customer.
Nai-share niya ito sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda”, “I was 17 trying to be 18 that time. Kasi parang gusto ng direktor ko sa theater na mag-try ako sa lounge kasi more exposure, maganda exposure sa hotel.”
Natanong nga ng King of Talk si Sheryn kung paano niya hina-handle ang mga bastos at walanghiyang customer.
Tugon ng singer, “’Yung iba may bastos. Sasabihin ko, ‘You don’t have the right to do that to me. I’m a minor’ and then pinapaano ko ng guard, kasi matapang akong bata that time.”
Patuloy pa niya, “Ayoko ‘yung hihipuan ako, sinampal ko talaga. Nireklamo ko sa manager doon, sabi ko, ‘Ayoko nang ganito.’
“’They’re still customers,’ but I am a singer, I am a citizen, I am a person. I have dignity. You don’t have the right to touch me,’” ang sinasabi raw niya kapag may nambabastos sa kanya.
Nagsimula naman ang showbiz career ni Sheryn noong 2003 nang sumali siya sa Kapamilya singing competition na “Star in a Million” kung saan natalo siya ni Erik Santos.
Isa sa mga kanta niya na nagmarka sa madlang pipol ay ang version niya ng “Come In Out of the Rain” na original song ng American singer na si Wendy Moten.
Sa darating na October, magpe-perform sina Sheryn at Wendy sa “Harana: A Troy Laureta East Meets West Live Experience” concert tour na gaganapin sa North America.